top of page

Kung ang ibang Kapamilya stars, tambay… YAM, HAPI NA TULOY ANG TAPING SA DOS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 8, 2020
  • 2 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 8, 2020




Nagpapasalamat nang husto si Yam Concepcion dahil halos dalawang linggo na silang nagte-taping ng Love Thy Woman at ibig sabihin lang nito, may trabaho sila kumpara sa ibang artistang walang project ngayon dahil sa Covid-19 pandemic, bukod pa sa may problema ang ABS-CBN sa prangkisa nito.


Sa nakaraang online show ni Ruffa Gutierrez na Love Thy Chika ay isa si Yam sa mga nakapanayam nito na kasama rin niya sa teleseryeng LTW.


Naikuwento ni Yam kay Ruffa kung paano siya nagsimula sa showbiz at inamin ding ang karakter niyang Jade sa seryeng Halik kasama sina Jericho Rosales, Yen Santos at Sam Milby ang dahilan kung bakit umangat nang husto ang pangalan niya.


Pero bago naging artista si Yam ay miyembro siya ng banda at on the side ay nagtuturo sa mga bata bilang nagtapos naman siya ng Multi-Media Arts sa De La Salle, College of St. Benilde.


Kuwento ni Yam, “'Yung guitarist namin, umalis na sa banda namin. Tapos, si Monty Macalino, vocalist of Mayonnaise, he joined our band. So, naging four-piece band kami. Tapos, sabi ni Monty, ‘Meron akong single. Gusto mo bang maging leading lady ko doon for a music video?’ Sabi ko, ‘O, sige, why not? Wala naman akong ginagawa.'


“Nag-star ako sa music video nila na Sinungaling. Doon ako na-discover. Na-discover ako ni Claire dela Fuente sa music video. She connected me to Viva.


“Lahat ng roles na nakukuha ko, puro pa-sexy, so automatically, 'yung impression doon, ‘Sino naman itong sexy starlet na ito? Masyadong naghahanap ng attention para lang makapasok sa industriya.’ Ganu'n 'yung parang impression nila.


“It wasn’t overnight kasi ang dami ko ring pinagdaanan until nakuha ko 'yung role sa Halik. That’s why I am very grateful and I feel like everything happens for a reason.


“Talagang little by little, mararamdaman mo. Mas mapi-feel mo 'yung mga wins kapag na-experience mo 'yung pinakamababa hanggang sa you work your way up. Mas maa-appreciate mo 'yung trabaho.”


Kaya naman isa si Yam sa mga humihingi rin ng panalangin na sana ay ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.


Samantala, nag-post naman si Yam ng larawan nila ni Ruffa G. na nasa hallway sila ng elevator ng ELJ Building na may caption na, “You’veGotAFriend.MP3 @iloveruffag.”

Sa loob ng ELJ ang taping ng Love Thy Woman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page