ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 29, 2022
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong 2022.
Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.
Sa aspetong damdamin at pakikipagrelasyon, sinasabing ang Kuneho ay isa sa pinaka-sensual at romantiko sa 12 Chinese animal signs. Gayunman, dahil sobrang maingat, bago pumasok sa isang relasyon, pinag-iisipang mabuti ng Kuneho ang isang babae o lalaking kanyang mamahalin, kung siya ba ay makapagbibigay sa kanya ng dagdag na comfort, peace of mind at payapang pamumuhay. Ayaw kasi niyang magkamali ng desisyon o pagpili kung saan hindi mapahahalagahan ang kanyang pagmamahal sa katahimikan, kalikasan, sa mapayapa, pribado at kalmanteng pamumuhay, na siya namang mga bagay na pangunahing pinahahalagahan ng mga Kuneho.
Bagama’t madalas na nagpapabagu-bago ng damdamin, ang talagang iniiwasan ng Kuneho ay ang masuong sa magulo at kumplikadong relasyon. Kaya tulad ng nasabi na, dahil sa pagiging sobrang maingat sa pagpili ng mamahalin, kadalasan ay matatagpuan ang Kuneho na matagal bago makapag-asawa o magkaroon ng seryosong commitment, kaya natatagpuan silang tumatandang binata o dalaga.
Minsan, akala ng iba ay palaging umiiwas ang Kuneho, pero ang totoo, sinisigurado niya na ang pagpili ng babae o lalaking mamahalin, kaya medyo mailap siya sa pakikipag-ugnayan o pakikipagkaibigan sa kanyang opposite sex.
Sinasabi rin na ang isang Kuneho ay palaging umiiwas sa pakikisalamuha sa kapwa at ayaw na ayaw niyang nakikipagtalo. Kaya minsan ay napagbibintangan siyang mahiyain, boring kausap at walang kabuhay-buhay. Pero hindi naman ganu’n, sa halip, kapag nahulog ang loob niya sa isang tao, makikitang magiging madaldal at palakuwento ang Kuneho at magagawa na niyang ikuwento at ibunyag ang lahat ng kanyang mga inhibitions, pangarap at ang lahat ng pantasya niya sa buhay sa kanyang napagkatiwalaang kausap.
Bagama’t likas na malapit sa kanyang pamilya, kapag nasa bahay, tahimik lang ang isang Kuneho at parang walang pakialam sa mundo, pero sa totoo lang, ang Kuneho ay sobrang matulungin at mapagmahal sa kanyang pamilya. Kaya naman kapag nakapag-asawa at nagkaroon ng sariling pamilya, tinitiyak ng Kuneho na magiging areglado ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya bago siya umupo sa sala na nakataas ang dalawang paa, kumukuya-kuyakoy habang nagbabasa ng dyaryong BULGAR.
Samantala, dahil mas umaandar ang kanyang guni-guni at pangarap kaysa aktuwalidad, minsan ay hindi niya rin naibibigay ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya, na lihim niyang ikinalulungkot, kaya naman patuloy siyang nagsisikap at nagpupursigeng paunlarin ang career, business o anumang bagay na kanyang pinagkakakitaan.
Bukod sa masarap na kaibigan at mabuting miyembro ng pamilya, ang Kuneho ay kilala rin bilang romantiko at mapagmahal na asawa, higit lalo kung hindi mo gaanong pinapakialaman ang kanyang privacy. Ang pinakamahalaga sa lahat para sa Kuneho ay pakinggan mo ang lahat ng kanyang ikinukuwento. At kahit malayo ang mga ito sa katotohanan, tiyak na magkakasundo kayo, magsasama nang matagal at habambuhay na magiging maligaya.
Ka-compatible naman ng Kuneho ang isang Sheep o Tupa na tinatawag ding Kambing dahil kapwa sila nagmamahal sa isang tahimik, kampante, masarap at maligayang buhay. Nagiging productive, maligaya at masagana rin ang pagsasama ng Kuneho at ng Aso, ganundin ng Kuneho at Baboy o Boar. Habang ang pagsasama ng Kuneho at Ahas ay itinuturing ding compatible at magiging maligaya.
Itutuloy
Comments