ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 14, 2022
Nakakagalaw pero walang kalayaan,
Natutula na lang habang nalilipasan
Kailan na nga ba muling gaganahan
kung parating lungkot ang nakahain sa hapag kainan?
Madalas, malalim ang aking iniisip,
Kailan nga ba magbabago ang ihip?
Sa pag-asa’y nais ko nang sumilip
upang igsan na itong masamang panaginip.
Sa umaga’y tatapikin ang sarili
Sasabihing magtiis at manatili,
sa kabila ng sumisinding pighati,
paglabang muli ang aking napili.
Sa tanghali’y manghihiram ng libang
Upang matalo ang inip na panghibang
at madaig ang kabaliwang muntikang
hindi na maharang ng pagkailang.
Sa gabi’y pinipilit kong matulog
upang ang mga mata’y hindi mahulog
sa higaang puro talas at bubog
kung saan ako marahang lumulubog.
Itong kulungang walang selda,
Walang bantay, walang puwersa.
Kulungang puno ng problema
na dalamhati ang sintensya.
Pagod na akong lumangoy sa alat
ng mga luha kong ni ayaw paawat.
Nais na muling sa laya makakalakad
kaya’t kung mapagbibigyan na’y, salamat.
Salamat.
Comments