ni Lolet Abania | October 29, 2020
Nagbabala ang Malacañang sa publiko laban sa mga nagbebenta ng vaccines kontra umano sa COVID-19 na may karampatang parusa para sa mga ito.
Sa naganap na news conference sa Bohol kanina, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mahuhuling nagbebenta ng nasabing bakuna na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ay papatawan ng pagkakakulong.
“Mayroon pong ipinapataw na parusa sa kahit sinong magbebenta ng gamot o bakuna na hindi po aprubado ng FDA. Mayroon pong kulong 'yan, itigil ninyo po 'yan,” sabi ni Roque.
Nag-isyu ng statement si Roque matapos ang naglabasang text messages tungkol sa sinasabi umanong COVID-19 vaccines na ibinebenta na nagkakahalaga ng P50,000 kada isang turok.
Gayundin, noong Martes, ayon kay FDA Director General Eric Domingo, nakatanggap siya ng report na isang establisimyento mula sa Makati City ang nagbebenta umano ng COVID-19 vaccines na may advertisements pang nakasulat sa Chinese.
“We’re continuously monitoring at mukhang mapapadalas po ang ating inspection doon sa facility na 'yun to make sure na hindi po nagbebenta or nag-a-administer ng unregistered na bakuna,” sabi ni Domingo.
Gayunman, patuloy ang paalala ng pamahalaan sa publiko na wala pang nadidiskubreng gamot o bakuna laban sa nakamamatay na sakit na COVID-19.
Comentários