Kulong at multa sa paglabag sa ‘The Animal Welfare Act of 1998’
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 13, 2025

Nito lamang nakaraang buwan ay lumabas sa isang social media platform ang balita tungkol sa pagpana sa isang aso ng mga hindi nakikilalang mga kalalakihan. Tahasang kinondena ito ng mga kinauukulan, lalo pa nga at malinaw na may umiiral na batas na sumasakop sa pagmamalupit sa mga hayop.
Ang ganitong uri ng paglapastangan at pananakit sa nasabing aso ay hindi kinakatigan ng batas, bagkus, ito ay isang krimen sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 8485, na inamyendahan ng R.A. No. 10631, o mas kilala sa titulong, “The Animal Welfare Act of 1998.” Nakakabagabag na gagawin nila sa isang kawawang hayop ang pamamana, hindi lamang isa kung hindi limang pana ang ibinaon nila sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng kawawang aso. Ang mahuling lumalabag sa alinman sa mga probisyon ng R.A. No. 8485 ay maaaring makulong ng hindi bababa sa anim na buwan subalit hindi hihigit sa dalawang taon o ng multa na hindi bababa sa isang libong piso, o ng parehas na pagkakakulong at pagmulta.
Ang layunin ng Kongreso nang kanilang ipinasa ang nasabing batas ay ang bigyan ng proteksyon at palawigin ang magandang kapakanan ng mga hayop, at bigyan ng superbisyon at regulasyon ang operasyon ng mga pasilidad na ginagamit para sa pagpaparami, pagtatago, pagtrato, at pagbibigay ng kasanayan sa lahat ng uri ng mga hayop, ito man ay itinuturing na alaga o gagamitin sa pangangalakal. Sakop ng nasabing batas maging ang mga alagang ibon.
Ang direktor ng Bureau of Animal Industry ang mangangasiwa sa operasyon ng mga establisimyento, at pagmintina ng mga pet shops, kennels, veterinary clinics, veterinary hospitals, stockyards, corrals, stud farms at zoos, at ano pang uri ng istraktura kung saan ang mga hayop ay inaalagaan, pinaparami, o itinatago.
Obligasyon ng bawat may-ari o namamahala sa transportasyon ng mga alagang hayop o iba pang uri ng hayop na sa bawat pagsakay nila ng mga nasabing hayop sa isang sasakyan patungo sa ibang lugar ay napasisiguruhan na sapat, malinis, at husto ang pasilidad para sa ligtas na paghahatid ng mga ito sa lugar na paghahatiran at sa taong tatanggap sa mga ito. Habang nasa biyahe ang mga nasabing hayop, marapat na may sapat na pagkain at tubig para sa mga ito sa loob ng mahigit na 12 oras o hanggang kinakailangan. Walang pampublikong transportasyon ang maaaring magsakay ng mga hayop nang walang kaukulang permit mula sa director ng Bureau of Animal Industry. Itinuturing na uri ng pagmamalupit sa hayop ang paglalagay sa mga ito sa “trunk” at sa “hood” ng mga sasakyang may karga sa kanila.
Karapatan ng bawat alagang hayop na mabigyan ng sapat na pag-aalaga, pagkain, bahay, o lugar na tulugan. Ipinapahayag ng R.A. No. 8485 na labag sa batas ang pananakit, pagmamalupit, at pagpapabaya sa mga alagang hayop. Ang pagsali sa mga alagang hayop sa isang horsefight o dogfight ay ipinagbabawal din. Ang pagpatay sa isang hayop, maliban sa mga baboy, manok, baka, kalabaw, kambing, tupa, kabayo, usa, at buwaya ay hindi kinakatigan ng batas.
Maaari lamang pumatay ng mga hindi nabanggit sa unahan na uri ng hayop kung ginawa ito bilang uri ng panrelihiyong ritwal ng isang establisadong relihiyon o sekta, o ginamit ang nasabing hayop sa isang ritwal ng isang tribu o upang maisakatuparan ang mga katutubong kaugalian (customs) ng mga katutubo (indigenous cultural communities). Subalit, ang mga pinuno ng mga kaukulang relihiyon, sekta, o katutubo, dapat may kooperasyon at pakikipag-ugnayan sa Committee on Animal Welfare na magtatago ng tala sa bawat paggamit ng nasabing hayop sa mga nabanggit na ritwal.
Comments