Kulay ni Sen. Imee, supermistikong itim
- BULGAR
- 6 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 16, 2025

ITIM!
Sabi ng iba, black is beautiful!
Pero, bakit kay daming nagpapa-glutathione?
He-he-he.
----$$$--
Hindi pula, hindi asul, hindi dilaw, hindi orange, hindi berde, at hindi pink ang ginagamit ngayon ni Sen. Imee sa kanyang kampanya, bagkus ay ang supermistikong ITIM!
Tama o mali? Malaking tama!
----$$$--
ANO na ang itim? Anong numero ang katumbas nito?
Numero otso ang katumbas ng kulay itim.
Extreme ang kahulugan — pinakamababa sa pinakamababa kung negatibo; at kung iiral ang positibo pinakamataas sa pinakamatayog mang antas ng panukat.
----$$$--
ANG mga mala-imposible ay mararanasan lang ng may bertud o may impluwensiya ng No. 8 at kulay itim.
Mala-imposible ang ginawang desisyon at disposisyon ni Sen. Imee: Makipagtulungan sa BFF na si VP Sara at iwanan ang grupo na iniandot ng kanyang kapatid.
Mahirap ang ganyang desisyon — pero pikit-mata niyang ginawa.
-----$$$--
IPINAKITA muli ni Sen. Imee ang kanyang disposisyon at malinaw na pinaninindigan na niya ang kanyang kumbiksyon: Panigan ang argumento ng pamilya Duterte kaysa sa posisyon o argumento ng mga taga-Malacañang.
Mula sa ganyang disposisyon at paninindigan, mabubuo ang impresyon — at mula sa impresyon — diyan siya hahatulan ng mga botante.
----$$$--
MAINAM na suriin kung tama o mali — pero ang pinakamahalaga — ay magdesisyon at iparamdam sa madla na mayroong “disposisyon” — desisyong hinugot sa kaibuturan ng puso, isip at kaluluwa.
Hahatulan ng mga botante si Sen. Imee hindi sa kung tama o mali ang kanyang argumento —bagkus ay batay sa kanyang kakayahan na magdesisyon — sa gitna ng krisis.
‘Yan ang kailangan sa isang mabuting lider: may disposisyon!
-----$$$--
Balik tayo sa kulay itim, dalawa ang puwedeng kauwian ni Sen. Imee, negatibo o positibo.
Sobrang lagapak kapag umiral ang negatibo.
Pero, kapag ang nasagap niya ang positibo, sobrang angat siya at iimbulog sa katuparan ng kanyang mga pangarap.
Mga adhikain ito na ang tanging may bertud lamang ng “kulay itim” ang puwedeng makatikim.
-----$$$--
OPO, tapang ng loob, ang dapat kaakibat sa paggamit ng kulay itim, sapagkat maaaring sumabit pero dahil may disposisyon siya — handa niyang tanggapin ang anumang resulta at kapalarang tangay nito.
Sa totoo lang, naranasan na ni Sen. Imee ang magdesisyon nang maselan sa gitna ng krisis, sa panahon ng kanyang pagdadalaga at pagiging ina.
----$$$---
NAKARAOS siya sa napakaselang sitwasyon sa panahon ng kanyang kabataan, at eto na ngayon, gumagamit na naman siya ng disposisyon.
Iyan na mismo ang kanyang bertud — ang kulay itim.
Mabiyayaan sana siya ng positibong kaakibat ng mistikong numero.
Okey lang, No.8 — huwag lang No.13 — sa araw ng bilangan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments