ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 2, 2022
Ang mga anak ay pinaka-iingatang kayamanan ng kanilang mga magulang. Kay sarap isipin na dahil sa mga kayamanang ito ay kay saya rin ng buo nilang pamilya. Kaya lang, may mga pagkakataon na ang itinuturing na hiyas o ginto na mga batang ito ay bigla na lang kinukuha sa kanilang mga mahal sa buhay dahil sa isang trahedya.
Ang sakit na hatid ng kapahamakang ito ay mistulang dulot ng salarin na pataksil na kumubli sa dilim ng gabi nang mang-agaw ng buhay. Naganap ang mapait na pangyayaring ito sa pamilya ni G. Arnel Valenzuela ng Antipolo City, Rizal, nang mabuwis ang buhay sa isang trahedya ng nag-iisa niyang anak na si John Arvyn Valenzuela, Dengvaxia vaccinee.
Si John Arvyn, 12, ay namatay noong Marso 10, 2019. Siya ang ika-123 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si John Arvyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia: una, noong Abril 8, 2016; pangalawa, noong Nobyembre 14, 2016, at pangatlo, noong Hunyo 22, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon kay G. Arnel, si John Arvyn ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball at kasama sa varsity team ng kanyang paaralan. Dagdag pa ni G. Arnel, “Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod lamang noong nagka-primary complex siya noong 7-anyos siya, at ang pagkakaalam ko ay normal ‘yung nararanasan ng karamihan ng mga bata sa kanyang edad.”
Mula Enero hanggang Pebrero, 2019, narito ang mga pagbabago sa kalusugan at pag-uugali ni John Arvyn:
Enero 17- Matamlay at madalas siyang natutulog. Naging bugnutin at mainitin din ang ulo niya.
Pebrero 21- Namanas ang kanyang mukha. Nagkaroon din siya ng malalaking kulani sa likod ng tainga at sa ibabang bahagi nito. Nagkapasa rin ang kanyang dibdib at binti. Sa tuwing tinatanong siya kung may nararamdaman siyang kakaiba sa kanyang katawan, nagagalit siya. Madalas din siyang mauhaw at inom nang inom ng tubig.
Pebrero 25 at 26 - Nasa trabaho si G. Arnel, kaya ang kanyang hipag na si Aduelueza Cania, ang nagdala kay John Arvyn sa isang ospital sa Marikina City. Aniya, pinatingnan nila ang kanyang anak dahil sa mga pagbabago sa katawan at kalusugan nito. Nalaman niya sa kanyang hipag na tinanong ng huli ang doktor kung posibleng Dengvaxia vaccine ang sanhi ng sakit ng kanyang anak. Sumagot diumano ang doktor na, “Maaaring Dengvaxia vaccine ang sanhi ng mga pababago sa kanyang kalusugan.” Sinabihan si G. Arnel ng doktor na kailangan siyang ilipat sa mas malaking ospital, at ginawa naman nila ‘yun. Gayunman, hindi pa rin nawawala ang mga kulani, pasa sa dibdib at binti niya. Isinailalim siya sa iba‘t ibang pagsusuri at nalaman nilang siya ay may Leukemia. Ayon sa doktor, kailangan siyang i-admit sa ospital dahil hindi maganda ang kanyang kalagayan. Kaya naman siya ay sinalinan ng dugo noong Pebrero 26, 2019.
Pebrero 28 - Isinailalim siya sa bone marrow test, at nalaman na may severe Leukemia siya. Hindi na gumanda ang estado ng kalusugan niya mula noon.
Sa buwan ng Marso 2019, nakapaloob ang mga huling araw ni John Arvyn. Narito ang ilang mga detalye:
Marso 6 - Nahirapan siyang huminga at muling sinalinan ng dugo.
Marso 7 - Dumami ang kanyang mga kulani. Nagkaroon din siya ng bukol sa tagiliran at sinalinan ulit siya ng dugo.
Marso 9 at 10 - Nag-umpisa ang chemotherapy ni John Arvyn. Hindi naging maayos ang pakiramdam niya. Kinabukasan (Marso 10), nahilo siya at bandang alas-6:30 ng gabi, nang siya ay isasailalim sana sa x-ray, hindi na siya makagalaw at siya ay nanginig. Sumunod siyang nag-agaw buhay at sinubukang i-revive, subalit sa kasamaang-palad ay nabigo sila at tuluyan nang pumanaw si John Arvyn.
Nakasaad sa kanyang Certificate of Death na ang sanhi ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw ay “Congestive Heart Failure” (Immediate Cause); “Anemia” (Antecedent Cause); “Acute Lymphoblastic” (Underlying cause). Ani G. Arnel, “Napakasakit para sa aking pamilya ng pagpanaw ni John Arvyn. Hindi ko maiwasang mag-isip kung anong klase ng gamot ang naiturok sa aking anak at ikinamatay pa niya ito. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya.
“Hindi kami kasama nang siya ay nabakunahan ng Dengvaxia. Hindi naman kami naabisuhan kung anong klase ng gamot ang ituturok sa kanya at kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan niya.”
Ayon pa kay G. Arnel, “Siya ay nag-iisang anak namin at tanging nagbibigay-ligaya at inspirasyon sa amin upang magpatuloy sa kabila ng mga hamon sa buhay.”
Kay hirap para sa pamilya Valenzuela na magpatuloy sa buhay ngayong wala na si John Arvyn. Ngunit ang sitwasyon nilang ito ngayon ang pinakamatindi ring dahilan kung bakit hindi sila sumusuko sa laban para sa kaso ni John Arvyn. Bilang tugon sa kanilang mga hiniling na libreng serbisyo-legal at forensic examination, ang PAO at PAO Forensic Team ay kasama nilang lumalaban upang makamit ang katarungan at nawa’y may matutunan ang mga kinauukulan sa mapait na bahagi na ito ng kasaysaysan sa ating bayan.
Comments