ni Lolet Abania | June 22, 2021
Aabot lamang sa 15,000 hanggang 20,000 doses ng COVID-19 vaccines ang maipapamahagi sa bawat probinsiya sa labas ng Metro Manila sa gitna ng paghahanap ng bansa na makakuha ng maraming supply ng bakuna, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr..
“Kaunting pasensiya lang sa probinsiya kasi kapag pinaghati-hati natin ang probinsiya, majority po, nagkaroon lang ng 15,000 to 20,000 ang pinakamalaki,” sabi ni Galvez sa weekly Talk to the Nation ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
“If we have 81 provinces kasama po ang NCR, talagang ang pinakamalaking makukuha ng isang probinsiya is only 15K to 20,000. Kaya madi-dilute natin ang vaccines. Ang magkaka-surge, ‘yun ang babatuhan ng malalaking volumes ng vaccines,” dagdag niya.
Ayon kay Galvez, ang China firm na Sinovac ay magbibigay sa bansa ng tinatayang 5.5 milyong doses ng COVID-19 vaccines sa July, kung saan may karagdagang 1 milyon mula sa orihinal na 4.5 milyong doses.
Paliwanag ni Galvez, pinag-iisipan ng vaccine manufacturer na makumpleto ang 20.5 milyong doses delivery sa September sa halip na sa November. Ibig sabihin nito aniya, nasa 5 hanggang 6 milyon doses ng bakuna ang kanilang ipapadala kada buwan sa Pilipinas. Ang mga doses na ito ang tugon sa kulang na mga bakuna na ide-deliver sa mga probinsiya.
Comments