top of page

Kulang ng klasrum.. P397B kailangan ng DepEd

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 24, 2023
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | August 24, 2023




Nasa P397 bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) upang matugunan ang kasalukuyang 159,000 classroom backlog sa buong bansa.


Ito ang nalaman sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay sa kahandaan ng mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.


Ayon kay DepEd Assistant Secretary Cesar Bringas, kabilang sa 159,000 classroom backlogs ang 440 totally damaged classrooms at iba pa na winasak ng bagyo o kalamidad.


Sinabi ni Bringas na nagkakahalaga ng P2 milyon ang bawat silid-aralan at kung i-multiply ng 159,000, kailangan aniya ng P397 bilyon.


Sa 2023 national budget, sinabi ng DepEd official na binigyan lamang sila ng P10 bilyon na maaaring masakop ang pagtatayo ng mahigit 7,100 silid-aralan.


Sa datos naman na ipinakita ni Gatchalian, lumitaw na 32 percent ng mga classroom para sa Kinder hanggang Grade 6 ang maituturing na congested o hindi tumutugon sa ideal ratio na 1:32 students; 41 percent naman sa high school ang congested habang 50% sa senior high school.


Dahil dito, sinabi ni Bringas na ilang mga paaralan ang nagpapatupad ng hanggang tatlong shifts habang ang iba ay dalawang shifts.


Kinumpirma ng opisyal na nananatiling problema pa rin ng DepEd ang kakapusan ng mga guro kahit taun-taon ay mayroon silang 10,000 slots para sa mga bagong titser.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page