ni Jasmin Joy Evangelista | September 21, 2021
Malaki ang kakulangan ngayon sa manpower ng Lung Center of the Philippines matapos tamaan ng COVID-19 ang 36 nilang health workers.
"Sa ngayon ang active cases namin 36. Isa na ito sa pinakamadami sa history ng Lung Center since last year. Pero 405 na po ang naka-recover dito. Ang total namin 442. This is actually a good batting average compared to other healthcare hospitals,” sabi ni Dr. Norberto Francisco, ang humahawak sa media relations ng ospital.
“Ngayon, hirap po kami kasi talagang kulang na kulang ang manpower. We want to expand our services and we have been, isa ito sa pinakamataas naming din-dedicate ang ospital sa COVID beds, nasa 84 percent po kami ng capacity ng ospital dedicated sa COVID. Ang isa sa pumipigil yung healthcare personnel namin, limitado po. Masalimuot ang COVID, maalagain ang mga pasyente,” sabi ni Francisco.
Sa ngayon ay puno pa rin daw ang kanilang ospital at minsan ay umaabot pa ng hanggang limang araw ang paghihintay ng mga pasyente sa emergency room para maiakyat sa kwarto.
コメント