top of page
Search
  • BULGAR

Kulang daw sa ebidensiya… CYBER LIBEL CASE NA ISINAMPA NG MADIR NI TONI KINA CRISTY AT WENDELL, NABASURA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 28, 2024



Showbiz news
Photo: Cristy Fermin at Wendell Alvarez / 5

Kaliwa’t kanan ang dinadaluhang hearing nina ‘Nay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika mula sa mga asunto nina ex-Senator Francis Pangilinan at Sharon Cuneta, Dominic Roque, Esther Lahbati (na nanay ni Sarah Lahbati), at Bea Alonzo.


Lagi kaming nagpapaalam kay ‘Nay Cristy kung puwedeng isama kami sa isa sa mga hearing niya, pero lagi niyang sinasabi, “‘Wag na anak, okey na, mas maganda ang tahimik lang.”


Kahit naman kasi sabihin naming hindi namin ilalabas ang senaryong makikita namin sa hearing, imposible ring hindi bilang reporter at lalo na kung naroon din ang mga nagsampa ng reklamo.


Ayaw nina ‘Nay Cristy, Wendell at Romel Chika na i-broadcast ito, kaya naman gulat na gulat kami na may naging kaso pala ang Showbiz Now na hosts mula sa ina nina Toni Gonzaga-Soriano at Alex Gonzaga-Morada na noong nakaraang taon pa na-dismiss.

Sa nasabing kaso ay hindi kasama si Romel Chika.


Noong Hulyo 17, 2023 pa pala lumabas ang resolution na ‘DISMISSED for insufficiency of evidence’ na pinirmahan ni Senior Assistant City Prosecutor Rosalinda G. Sajot at in-approve naman ni City Prosecutor Vimar M. Barcellano ng Quezon City.


Nakita naming ipinost ni Wendell sa kanyang Facebook (FB) account ang huling bahaging ito ng resolution sa kasong cyber libel.


Oo nga naman, napakagandang pagbubunyi ito na hindi ipinagsabi na sila ay nanalo sa laban.


Nitong Lunes, Agosto 26 ng tanghali, sa radio program nina ‘Nay Cristy at Romel Chika na Cristy Ferminute (CFM) sa Radyo5 at One.PH, naikuwento niya ito.


Ani 'Nay Cristy, “Alam n’yo po, mga kapatid, meron po akong sasabihin sa inyo na rebelasyon. Hindi lang po ako nagsasalita at ayoko pong ipagmalaki, pero ilang buwan na po ang nakararaan, idinemanda po ako at si Wendell Alvarez ni Mrs. Pinty Gonzaga.


“Nabasura po ‘yung kaso, ‘di rin po kami nagharap sa piskalya. Hindi lang po kami maingay, nabasura po ‘yung kasong ‘yun, cyber libel. Nabasura po ‘yun sa Quezon City kaya maraming ganito na hindi na lang po kami nagsasalita. Baka sabihin, ‘Nagyayabang pa kayo, ganito ganyan.’ Hindi po, nabasura po ‘yun.


“Si Mrs. Pinty Gonzaga po ang nagdemanda sa ‘min ni Wendell. Ngayon ko lang sinabi.

“Talagang uma-attend ako ng hearing, wala namang masama sa personal appearance sa korte. Natural, ‘di ba? Kinasuhan ka, eh, di pumunta ka.


“Hindi po puwedeng ‘di po darating ang kinasuhan. Dapat naroon, makikipagharap sa kumaso.


“Si Sharon Cuneta, ‘di ko naman nakita sa hearing kahit minsan. Si Dominic Roque, ‘di rin.


“Si Bea Alonzo, ‘di rin namin nakikita ni Rommel (Chika, co-host sa show) at ni Wendell (Alvarez).


“Buti pa nga ‘yung mag-asawang Lahbati, ‘yung babae, ‘yung nanay, nakita natin. Pero ‘yung tatay, ‘di pa rin, ‘di ba?” buong kuwento ng CFM host.


 

SPEAKING of ‘Nay Cristy Fermin, ibinalita naman niya kahapon sa CFM radio show nila ni Romel Chika na bibili na raw ng bahay si Coco Martin sa Spain.


Bigla kaming napaisip, baka kaya laging doon ang destinasyon nila ng partner niyang si Julia Montes tuwing lalabas sila ng bansa ay dahil may plano?


Sabi ni ‘Nay Cristy, “Kay Coco Martin na tayo, o, ‘di ba, bibili s’ya ng bahay sa Spain?”

Hirit ni Romel Chika, “Sana all, iba.”


Tuloy ni ‘Nay Cristy, “At bakit naman hindi, Diyos ko, ‘di lang milyonaryo si Coco, eh, bilyonaryo na, sa totoo lang. Kayang-kaya po n’yang sustentuhan ang mga pangarap n’ya, kayang-kaya n’yang bumili kahit saang bansa. Ang tanong, kasama kaya si Julia Montes kapag bumili ng bahay sa Spain? Aba naman, itinatanong pa ba ‘yun?”


Opinyon naman ni Romel Chika, “One plus one ang kasagutan d’yan, ito’y paghahanda pagdating ng araw kapag gusto na nila ng pribadong buhay, puwedeng-puwede sila doon manirahan.”


Nasambit din ng CFM host na huwag maliitin ang kinikita ngayon ng aktor bilang direktor, scriptwriter (creative director), at aktor.


“Napakasipag na tao at kapag ang tao po ay masikap, masipag, at matiyaga, talagang may makukuha tayong nilaga, talagang may resulta ‘yan,” sabi ni ‘Nay Cristy.


0 comments

Komentarai


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page