ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| July 19, 2022
Marami sa atin ang ‘di maipinta ang mukha ‘pag narinig ang salitang “petsa de peligro”. Marahil, malapit na ang next sahod, pero ‘di na aabot ang budget. Pero bago ang lahat, saan nga ba nagsimula ang salitang ito?
Mula sa literal translation sa salitang Espanyol, ang Petsa de Peligro ay “Day of Danger”. Pero sa panahon ngayon, ginagamit ang salitang ito bilang metaphor kung saan kailangang pagkasyahin ang natitirang pera hanggang sa susunod na sahod.
Gayunman, karamihan sa mga Pilipino ay nakararanas ng petsa de peligro. Marahil, ‘di sapat ang sahod sa dami ng pangangailangan o kaya naman, hindi marunong mag-handle ng pera.
Anuman sa dalawa ang dahilan kung bakit mo ito nararanasan, narito ang ilang tips para makaiwas sa petsa de peligro:
1. MAGTABI NG PERA. Kung tutuusin, simple lang naman ito, pero maraming hindi nakakagawa. Bakit kaya? ‘Yan ay dahil para sa iba, ang pay day o araw ng sahod ay nangangahulugang puwede na ulit gumastos para sa mga gala, bagong damit at kung anu-ano pa hanggang maubos na ang sahod. Besh, anuman ang trip mo, do your best para makapagtabi ng pera at iwasang gastusin ito sa isang bagsak. Gayundin, mabuting i-deposit ang itinabing pera sa hiwalay na bank account para ‘di madaling makuha ang pera.
2. MATUTONG TUMANGGI. Kabilang ito sa mga karaniwang dahilan kaya maraming hirap mag-ipon — hindi nila kayang tumanggi sa mga barkada ‘pag nagsimula nang magkayayaan, mapa-gala o eat out man ‘yan. Siyempre, nar’yan din ang mga tukso ng “sale”, kung saan talagang mapapabili ka ‘pag nakita mong malaki ang ibinababa ng presyo ng item. Kung matututo kang tumanggi, sa lakad man o bagong gamit kahit sale, mas may chance kang makatipid.
3. MAG-ISIP BAGO GUMASTOS. Hindi porke may pambili ka ay bibili ka na, lalo na kung ‘di naman masyadong importante ang bagay na gusto mong bilhin. Halimbawa, gusto mo ng bagong gadget dahil uso at naka-sale naman o kaya, bagong sapatos dahil may bagong release ang paborito mong brand. Kung ganyan ang mindset mo, hinay-hinay sa paggastos, bes. Kaya naman, inirerekomenda na pag-isipan ng at least isang araw hanggang isang linggo bago bumili ng isang bagay. Sa ganitong paraan, mas mapag-iisipan mo kung kailangan ba talagang bilhin ito o puwede namang maghintay para mas makapag-ipon ka pa.
4. I-TRACK ANG GASTOS. Alam mo ba kung magkano na ang nagastos mo ngayong araw? Kung hindi, senyales ‘yan na hindi ka aware sa spending habits mo. Dahil d’yan, inirerekomenda ring maglista ng lahat ng gastos mo kada araw. Sa ganyang paraan, hindi ka magtatanong o magtataka kung saan napunta ang pera mo at kung may panggastos ka pa hanggang sa susunod na sahod.
5. ‘WAG ISAGAD ANG GASTOS. Sabi nga, “Spend within your means,” ibig sabihin, ‘wag kang OA sa gastos kung ‘di mo naman kayang panindigan. Isang halimbawa nito ay ‘yung mas madalas kang kumain sa labas tuwing lunch o dinner o palagi kang may bagong gamit na hindi mo pinag-isipan bago bilhin. Walang masama sa pagpapakatotoo, besh. Kung hindi mo talaga afford, okay lang maghinay-hinay sa paggastos.
6. MAG-BUDGET. Ang pagkakaroon ng budget ay nakatutulong upang malaman kung saan dapat ilaan ang pera sa isang time frame — daily, weekly o monthly budget man ‘yan. Sa ganitong paraan kasi, alam mo kung magkano lamang ang pera na hawak mo at malalaman mo kung afford mo pang bumili ng ibang bagay sa natitira mong pera.
7. MAGBAON NG PAGKAIN. Bagama’t masarap mag-lunch out o kumain sa mga fast food restaurant dahil convenient, hindi maitatangging mas praktikal na magbaon para sa breakfast o lunch. Bukod sa mas tipid ang home-cooked meals, may option ka ring gumawa ng mas healthy meals, depende sa trip mo.
Relate ba, besh?
Sa taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ngayon, kailangan natin ng matinding disiplina sa pagba-budget at paggastos para matiyak na napupunan pa rin ang ating mga pangangailangan.
At siyempre, kung kailangang isantabi ang mga luho at gimik, gawin na natin.
‘Ika nga, wala na tayo sa panahon na kaya nating magpapetiks-petiks dahil hindi biro ang mga gastusin. Kaya make sure na susundin ang mga tips sa itaas para no more petsa de peligro moments.
Okie?
Comments