ni Jasmin Joy Evangelista | October 5, 2021
Ipinasara ang isang KTV bar sa Pasay City at inaresto ang floor manager nito matapos mahuling patuloy ang operasyon na labag sa COVID-19 guidelines.
Walang naabutang mga customer sa loob ng KTV bar nang puntahan ng mga taga-station intelligence section ng Pasay police Linggo ng madaling-araw.
Matatagpuan sa loob ng isang shopping center sa Macapagal Boulevard ang KTV bar at ang mga kliyente ay kadalasang foreigners.
Ayon kay Pasay City chief of police Col. Cesar Paday-os, nakatanggap sila ng impormasyon na tumatanggap pa rin ng customers ang KTV bar.
Ipinagbabawal ng IATF sa ilalim ng GCQ Alert Level 4 ang pagbubukas ng mga bar at nightclub.
Tiniketan ang 5 service crew at waiter para sa paglabag sa ordinansa sa social distancing at curfew habang nasa kustodiya naman ng pulisya ang 29-anyos na floor manager ng bar.
Mahaharap siya sa kasong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Ipinasara na rin ang bar hangga’t patuloy na umiiral ang pagbabawal sa mga katulad nitong establisimyento.
Comments