ni Mylene Alfonso @News | July 29, 2023
Itinanggi ni Presidential Sister at Senador Imee Marcos na may hidwaan sila ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Kasabay nito ang pagdepensa ng Senadora na hindi siya isang kritiko ng Pangulo bagkus ay naghahanap umano siya ng solusyon.
"Hindi ako critic. Gusto ko lang ipaliwanag... Ang ginagawa natin, eh naghahanap ng solusyon," depensa ni Marcos sa isang press conference.
Una nang nagsimula ang usapang awayan sa pagitan nina Sen. Imee at P-BBM nang salungatin ng una ang ilan sa polisiya at panukalang batas ng Pangulo. Kabilang dito ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership at ang usapin ng pagtanggap ng Pilipinas sa mga empleyadong Afghans ng Estados Unidos.
Pero ayon sa Senadora, nagpapahayag lamang siya ng kanyang mga opinyon para mapabuti ang administrasyon ng kanyang kapatid.
"Hindi naman sa pagkokontra, we're trying to hammer out details... Makulit ako, eh. Talagang gusto kong alamin 'yung detalye. Matagal akong executive... So I'm always concerned that a law should work... So, kinukulit ko talaga siya," saad pa ni Imee.
Gayunman, binanggit pa ni Sen. Imee na mahal niya ang kanyang kapatid at aminadong nagkakaroon din sila ng mga awayan tulad ng isang normal na pamilya.
"Hindi kami nag-uusap nang madalas. Minsan may sasabihin si Sandro, minsan papaabot ni Bongbong. Ganon. Minsan si Sandro nagsusumbong. Okay lang, normal kaming pamilya," ani Imee.
"I'm solid admin, no ifs or buts. I'm only here to protect the President and the family name. We fought hard and long for this and we're deeply invested in making certain that the Marcos administration should work," dagdag pa niya.
Comments