ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 21, 2021
Nabulabog tayo kamakailan sa report ng World Bank na may krisis sa edukasyon sa Pilipinas kung saan binanggit nitong kulelat ang mga estudyanteng Pinoy o mahina sa asignaturang Science, Math at Reading. Juicekoday!
Paano ba naman hindi matataranta ang Department of Education at Malacañang, eh, i-report ba naman ng World Bank na 80 percent ng mga Pilipinong estudyante ay hindi nakaabot sa minimum proficiency level.
Nakita umano ito sa assessment noong 2018 at 2019, kung saan lumahok ang Pilipinas sa Program for International Student Assessment (PISA) noong 2018 at sa Trends in International Mathematics and Science Study noong 2019. Sumali rin ang ating bansa sa first cycle ng Southeast Asia Primary Learning Metrics o SEA-PLM noong 2019.
Mas nakakaloka nang sabihin ng World Bank na lumala ang krisis sa edukasyon sa ating bansa dahil sa pandemya sabay banggit na 10 hanggang 22 percent lang ng mga estudyante sa Grade 4, 5 at 9 ang naka-iskor ng above minimum proficiency.
Take note, mga friendship, kumambiyo ang World Bank at nag-sorry nang palagan ang kanilang report ng DepEd. Nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na hindi man lang sila kinonsulta ng WB nang ilabas ang naturang report gayung luma ang mga datos na ginamit nito!
Pero, sa ganang atin, true namang na-‘wow mali’ ang World Bank. Gayunman, kailangan tayong hindi magpabaya at i-maintain natin o mas i-improve ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
At nito ngang nagdaang hybrid hearing sa Senado, kamakailan, natuon ang pansin sa pangangailangan ng pagkakaroon ng ‘common language’ sa mga mag-aaral. Eh, ‘di ba, may 171 tayong wika o dialects at sa nasabing bilang, apat na lang ang hindi ginagamit?
Nakikita nating IMEEsolusyon para mas mapabilis at mapataas ang grado sa mga exam ng mga bata, eh, desisyunan na ng Department of Education kung anong ‘common language’ ang gagamitin sa pag-aaral ng mga estudyante na kanilang mas maiintindihan.
Reminder, ang common language na mapipili ng DepEd ay dapat balanse sa mga diyalekto ng mga mag-aaral sa iba’t ibang rehiyon, para mas makatulong itong magpaangat sa edukasyon ng mga mag-aaral sa Pilipinas. Agree?
Comments