top of page
Search
BULGAR

Krimen ang pakikipag-live-in sa menor-de-edad

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 7, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Mayroon akong tiyuhin na nakikipag-live-in sa kanyang partner na 16 taong gulang lamang. Ang kinakasama niya ay kaklase ko sa aming eskwelahan. Sa tingin ko ay hindi ito tama sapagkat lampas 10 taon ang agwat nila at menor-de-edad pa lamang ang aking kaklase.  Legal ba ito sa ating batas? Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang aking katanungan. Salamat po. — Mariz


 

Dear Mariz,


Noong Disyembre 2021, pinagtibay ang Republic Act (R.A.) No. 11596 na pinamagatang “An Act Prohibiting The Practice Of Child Marriage And Imposing Penalties For Violations Thereof” o ang batas na nagbabawal sa pagsasagawa ng child marriage sa Pilipinas. Ang batas na ito ay naglalayong protektahan ang mga bata, partikular ang mga menor-de-edad, mula sa maagang pag-aasawa, na nagdudulot ng iba’t ibang negatibong epekto sa kanilang buhay at kinabukasan.


Ayon sa nasabing batas, hindi pinapayagan ang pagsasagawa ng kasal sa mga indibidwal na wala pang 18 taong gulang. Ang batas ay nagtatakda rin ng parusa para sa sinumang lumalabag nito.  Kabilang ang mga magulang, guro, o sinumang nakatatanda na nagbibigay ng pahintulot o tumutulong sa ganitong uri ng kasal. Itinataguyod ng R.A. No. 11596 ang karapatan ng mga kabataan na makapagtapos ng kanilang edukasyon, at magkaroon ng pagkakataong umunlad at habulin ang kanilang mga pangarap. Kadalasan, ang mga batang ikinakasal ay napipilitang tumigil sa pag-aaral, na nagiging dahilan ng kanilang kakulangan sa kaalaman at kasanayan.


Dagdag pa rito, ang R.A. No. 11596 ay hindi lamang nakatuon sa pagbabawal ng maagang pag-aasawa, kundi pati na rin sa mga isyu ng cohabitation o pagsasama ng taong nasa wastong gulang at ng menor-de-edad. Sa ilalim ng batas na ito, partikular na makikita sa Seksyon 4 (c) nito: 


Section 4. Unlawful Acts. – The following are declared unlawful and prohibited acts:


xxx


(c) Cohabitation of an Adult with a Child Outside Wedlock. – An adult partner who cohabits with a child outside wedlock shall suffer the penalty of prision mayor in its maximum period and a fine of not less than Fifty thousand pesos (P50,000.00): Provided, however, That if the perpetrator is a public officer, he or she shall likewise be dismissed from the service and may be perpetually disqualified from holding office, at the discretion of the courts: Provided, finally, That this shall be without prejudice to higher penalties that may be imposed in the Revised Penal Code and other special laws.” 


Ang sinumang nasa wastong gulang o 18 taong gulang pataas na mahuhuling nakikipag-cohabitate o nakikisama sa mga menor-de-edad ay nahaharap sa mga legal na parusa. Maaaring kabilang dito ang pagkakakulong, multa, at mga parusa na itinakda ng iba pang batas. Ang layunin ng mga parusang ito ay hindi lamang upang parusahan ang mga lumabag, kundi upang mas maprotektahan ang mga kabataan.


Bukod sa mga parusa, ang batas ay naglalayong magbigay din ng interbensyon at suporta sa mga bata na apektado ng ganitong sitwasyon. Maaaring isama rito ang mga programa ukol sa rehabilitasyon, pagpapayo, at iba pang mga serbisyong pangkomunidad.


Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi ligal sa ating batas ang iyong nabanggit na pagli-live-in ng iyong tiyuhin at iyong menor-de-edad na kaklase. Ito ay sa kadahilanang 16 na taong gulang pa lamang ang iyong kaklase at ang iyong tiyuhin naman ay nasa wastong gulang na.  Ang ginagawa ng iyong tiyuhin ay maituturing na isang krimen sa ilalim ng R.A. No. 11596 at maaari siyang mapatawan ng parusa alinsunod sa nabanggit sa itaas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page