top of page
Search
BULGAR

Kredibilidad ng buyer ng non-performing Gov’t assets, suriin para iwas-kontrobersya

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | February 4, 2023


Hanggang ngayon, hindi pa rin maampat-ampat ang kontrobersya ng Maharlika Investment Fund (MIF). May mga nagdududa, nagdadalawang-isip at kumukuwestiyon.


Talakayin natin ang isyu.


Sa pagpasok ng linggong ito, simula na ng pagdinig sa MIF sa Senado sa ilalim ng Committee on Banks ni Sen. Mark Villar. Nagkaroon man ng argumento kung bakit sa komite ni Sen. Villar napunta ang usapin, malinaw naman ang isinasaad ng hurisdiksyon ng senador. Dahil kung ang usapin ay may kaugnayan sa equities, financial instruments at mutual funds, ito talaga ang komite na dapat duminig sa isyu ng Maharlika Investment Fund.


Maituturing mang isang government corporation ang MIF, hindi naman ito simpleng government corporation. Nilikha ito para makapag-invest ng financial instruments, na siyang pangunahing layunin ng sovereign wealth fund, at ito ang pangunahing karakter para maipasok sa committee on banks.


May nagtanong sa atin kung wala raw bang magiging kolaborasyon ang komite ni Sen. Villar sa Committee on Finance na pinamumunuan natin at sa iba pang komite na may kinalaman sa pananalapi – may kaukulang panahon ang mga senador para makapagbigay ng komento hinggil sa MIF. Ito ay sa panahon ng plenary debate o maging sa kasagsagan ng committee debate.


Kumpara sa mga naunang bersyon hinggil sa pagpopondo sa MIF, sa tingin natin, mas mainam ang bersyon sa Mataas na Kapulungan. Sa mga naunang proposisyon, gagamitin ang mga pensyon ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) para pondohan ang Maharlika Fund. Sa bersyon ng senado, ang ipopondo rito ay ang mga dibidendong magmumula sa Landbank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at Banko Sentral ng Pilipinas (BSP), dagdag pa r’yan ang pondo mula sa Pagcor. Kaya hindi magagalaw ang mga pensyon na una nang kinatakutan nating lahat. ‘Yun ang ikinaganda ng senate version, pero sigurado namang mare-reconcile ang mga sanga-sangang argumento para matiyak na walang lusot ang katiwalian dito.


Iba’t ibang panukala ang lumutang para masigurong ligtas ang gagamiting pondo sa MIF mula sa anumang uri ng katiwalian o anomalya. Isa na r’yan ang pagbebenta sa mga non-performing government assets at suportado natin ito. Tinatawag na assets, pero hindi naman kumikita at tadtad pa ng kontrobersya ng korupsyon, mas mabuti pa sigurong ibenta na lang ang mga ito sa pribadong sektor. At tayo ay umaayon sa pahayag ni Sen. Grace Poe, na gawing transparent ang bentahan ng assets. Dapat ay alam din natin ang kredibilidad ng buyer para iwas-kontrobersya at dapat masiguro na ang kikitain sa bentahan ay didiretso sa dapat puntahan nito.


Sa mga ganitong kumplikadong usapin na pinagdududahan ng marami, kailangang maging maingat ang mga kinauukulan. Layunin ng programa na maging kapakinabangan ito sa publiko kaya dapat nating tiyakin na naiintindihan ito ng lahat at hindi masasayang ang pondong nakalaan para sa mamamayan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page