ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 20, 2021
Ipinoste ng dehadong si Demosthenes “Plong Plong” Pulpul ng Cagayan De Oro ang isa sa pinakahiganteng kampanya sa kanyang paglalaro ng bilyar kontra sa ilang makikislap na pangalan sa Pilipinas upang maangkin ang korona ng unang Pro Winner Take All sa palaruan ng House Manila Pool Bar and Lounge sa Pasay City.
Sa isang hill-hill na pagtatapos, dinaig ni Pulpul, sumegunda kay Efren “Bata” Reyes noong 2014 Manny Pacquiao Cup, ang isa pang hindi gaanong matunog na bilyarista sa katauhan ni Michael Baoanan, para sa kampeonato.
Kasama sa mga nag-ambisyong maiuwi ang korona ngunit pawang nabigo ay sina Lee Van “The Slayer” Corteza, Johann “Bad Koi” Chua at Jeffrey “The Bull” De Luna. Ang tako ni Corteza ay lubhang mainit ngayong panahon ng pandemya. Ang tubong Davao na minsan nang naging World 14.1 Straightpool titlist ang nagwagi sa bakbakan na binansagang “Rotation: Reyes, Bustamante, Alcano, Biado, Banares, Corteza, Raga, Ignacio” sa Shark’s Billiards Hall noong Marso. Siya rin ang namayagpag sa katatapos na Speed Pool Challenge sa Lungsod pa rin ng Quezon.
Si Chua, 29-taong-gulang mula sa Bacolod, ay dalawang beses nang naghari sa malupit na Japan Open samantalang ang 37-anyos na si De Luna, naging Asian Games silver medalist, ang kinatawan ng bansa sa 2021 World Cup of Pool, World Pool Masters at World 9-Ball Championship sa England.
Samantala, nasikwat ni 2017 Word 9-Ball Championship runner-up Roland Garcia ng Pilipinas ang pangalawang puwesto sa Billiards and Cue Expo One Pocket Tournament sa Desmond, Iowa. Ang torneo na pinagwagian ni Shane Boening ng USA ay nilahukan din ng dating hari ng 9-ball sa buong mundo na si Alex “The Lion” Pagulayan, Fedor Gorst (Russia), Billy Thorpe (USA), Warren Kiamco at Carlo Biado.
Comments