ni Gerard Peter - @Sports | January 29, 2021
Plano pang mas palawakin ang kaalaman ng mga Filipino hinggil sa bagong pampalakasan na sinusubukang ipakilala sa madla na may kaparehong istilo ng laro sa sport na maituturing na nangunguna sa bansa, ang basketball.
Isang laro na may pagkakatulad sa basketball at netball, ang larong Korfball ay naitatag sa bansa noong 2007 sa mga miyembrong binubuo ng mga estudyante at faculty members mula sa Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) sa University of Santo Tomas.
Umaasa si Philippine Korfball Federation (PKF) President Asst. Prof. Rodrigo Sambuang Jr. na mapapabilang ang kanilang pampalakasan sa mga listahan ng national sports association (NSAs) sa bansa at makakakuha ng pagkilala sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa Philippine Sports Commission (PSC) upang mas makatulong ito para mas palawakin at makilala ng husto ng mga Filipino ang kanilang pampalakasan.
“We’re trying to look for some support na sana maging under ang Korfball ng NSA which is our first step to be recognized first by the POC and PSC,” wika ni Sambuang, kahapon ng umaga sa TOPS: Usapang Sports Live on Sports on Air webcast. “Usually our founding comes from our own pocket. Tulong tulong muna kami to produce some budget to compete abroad, kaya we’re are currently looking for support and sponsors to fund our competitions abroad once na matapos na ‘yung pandemic,” dagdag ng sports official at professor sa UST sa porgramang suportado ng PSC, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Games and Amusement Board (GAB).
Kasalukuyang nasa malayong posisyon na 45th sa buong mundo ang Pilipinas, na patuloy na pinamumunuan ng World No.1 Netherlands, kasama ang Belgium, Chinese Taipei, China, Germany at Portugal, habang ang kapitbahay nating Southeast Asian Games countries na Thailand Indonesia at Malaysia ay nasa ika-35th, 36th at 44th place, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa pagnanais na maging parte ng NSA, plano ring maitulak ng PKF, na opisyal na kinikilala ng pandaigdigang samahan nito na International Korfball Federation (IKF), ang makapasok sa UAAP, na nagsimula na bilang PE curriculum sa UST, gayundin ang pagpapakilala sa mga kolehiyo at unibersidad gaya ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), Technological Institute of the Philippines (TIP), Philippine Normal University at mga lugar gaya ng Cavite, Quezon City at Zamboanga, habang nakapila na ring ilatag ito sa mga elementary at high schools bilang parte ng grassroots program sa oras na mawala na ang pandemic.
Bukas din sila sa posibilidad na makakuha ng mga atleta sa basketball, volleyball at football players na likas ng may talent, skills at tangkad na kinakailangan sa kanilang sports. Malaki rin umano ang tsansa na maging demonstration sport ang Korfball sa 33rd SEA Games sa Thailand na patuloy na itinutulak ng pinuno ng Korfball Association of Thailand na si Assoc. Prof. Dr. Supranee Kwaboonchan, kung saan inaasahang lalahok dito ang Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, Vietnam, at host country na Thailand.
“We’re hoping na sana ma-include siya sa UAAP and I think we need to form 3-4 schools to start a demo. We’re in talks with different athletic directors sa mga university,” saad ni Sambuang, na tumatayo ring Athletic Moderator ng IPEA-UST. “With regards naman sa pag-push sa SEA Games ay very aggressive ang Thailand na mapasama bilang demo sport ito sa kanilang hosting sa SEA Games.”
Comments