ni Angela Fernando @K-Buzz | July 11, 2024
Iniulat kamakailan sa isang Korean media na ang sikat na mukbang YouTuber na si Tzuyang ay naging target ng pangingikil o “blackmailing,” at napag-alamang ang grupong “Tow Truck Union” ang mga suspek.
Sa slang ng Korea, ang terminong “reg-ka,” na direct translation ay “tow truck,” ang alyas ng mga YouTube account na nagpapalaganap ng negatibong opinyon tungkol sa mga kilalang personalidad sa pamamagitan ng video content na nagbabahagi ng mga impormasyong walang basehan.
Binubuo ang nasabing union ng mga YouTuber nina Hwang Chul Soo, Gujeyeok, Crocodile, Gango, Carancula, Uhm Tae Woong, at iba pang mga personalidad na hindi pinangalanan.
Sinasabing ang union ay nangingikil ng milyun-milyong won mula kay Tzuyang at binabantaan ito gamit ang kanyang nakaraan. Lumabas sa isang voice recording mula sa isang tawag na direktang binabantaan ni Gujeyeok ang mga tauhan ni Tzuyang.
Ipinagyabang pa ni Gujeyeok na nakabili sila ng bagong GV80 na kotse gamit ang perang kinita nila sa ganitong paraan. Dagdag pa nila, si Tzuyang ay nagbibigay ng ₩6.00 million KRW (humigit-kumulang $4,340 USD) kada buwan sa mga babae na dati niyang kasamahan bilang hush money.
Ipinahayag din nilang hindi sila natatakot na mademanda, dahil maliit lamang ang danyos kumpara sa perang kinikita nila mula sa sikat na Youtuber. Kilala si Tzuyang na isang malaking mukbang YT channel na may 10-milyong subscribers sa buong mundo habang may 192k lang na tagasunod si Gujeyeok.
Comments