ni Gina Pleñago | February 8, 2023
Nasabat ng mga awtoridad ang higit 255 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P1,734,000 na nakalagay sa isang parcel o package na antique French telephone na naharang ng pulisya sa isang Korean national at kasama nitong Pinay sa isinagawang controlled delivery operation sa Makati City.
Kinilala ng pulisya ang mga nahuli na sina Angeline Claire Nacua, 25, ng Makati City at Choi Sol, 38, Korean national, ng Taguig City.
Nagkasa ng controlled delivery operation ang mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport-Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), Philippine Drug Enforcement Agency National Capital Region-Southern District Office (PDEA NCR-SDO) at Makati City Police Sub-Station 6 sa Makati alas-5:30 ng hapon.
Nakuha bilang ebidensiya ang parcel na idineklarang antique French phone na naglalaman ng nasabing shabu na padala ng isang Bleu Griotte na may address na Marceau Leandres 17 Grande Rue 69110 Ste Foy Les Lyon, France kung saan
nakapangalan na consignee ang isang Angeline Claire Nacua.
Nakumpiska rin ang isang blue clipboard, parcel receipt, kopya ng invoice, dalawang IDs, tatlong cellularphones at apat na master cards. (Gina Pleñago)
Kommentare