ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 28, 2023
Hindi na papayagan na maipagpatuloy pa ng mga operators ng traditional jeepney ang kanilang pamamasada matapos ang itinakdang araw ng Hunyo 30, 2023—maliban na lamang kung sasali sila sa umiiral na kooperatiba.
Nauna rito, pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa mga tradisyunal na jeepney franchise holders na magsama-sama para makasali sa kooperatiba upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Kailangang sumapi sa isang kooperatiba o bumuo ng isang korporasyon ang mga traditional jeepney bago ang itinakdang deadline para palawigin ang bisa ng kanilang provisional authority (PA) o prangkisa ayon sa LTFRB Memorandum Circular No. 2023-013.
Ayon pa sa LTFRB, maaari pa ring sumama ang mga operator at driver sa mga ruta ng jeepney na mayroon nang kooperatiba o korporasyon, at mga rutang may nakabinbing aplikasyon para sa kanilang pagbuo hanggang Hunyo 30.
Ilang ulit na rin kasing tinangka ng LTFRB na tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng traditional jeepney, ngunit palaging pinalalawig at ang pinakahuli ay itinakda sana para sa buwan ng Marso ngunit mariin itong tinutulan ng transport group.
Kung gagalaw kasi nang mas maaga ang mga may-ari ng tradisyunal na jeepney, malaki ang magiging pagkakataon nila na makasali sa isang kooperatiba o korporasyon na tanging magsasalba sa kasalukuyan nilang sitwasyon.
Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga operator at driver na palawigin ang bisa ng kanilang prangkisa hanggang sa katapusan ng taon.
Pero ang mga operator na dumaraan sa mga ruta na hindi pa nakabuo ng isang kooperatiba o korporasyon at hindi pa nakakapaghain ng aplikasyon ay maaari pa ring bumuo ng isang juridical entity hanggang Hunyo 30.
Ang binabanggit kong entity ay dapat na accredited sa ilalim ng Office of the Transport Cooperative, o nakarehistro sa Securities and Exchange Commission hanggang Agosto 31.
Kaya ang mga naturang entity ay dapat ding maghain ng aplikasyon para sa pagsasama-sama ng prangkisa bago ang Oktubre 31 upang mapalawig ang bisa ng kanilang PA.
Sa paraang ito, malaki ang pag-asa ng pamunuan ng LTFRB na ang ibinigay nilang extension ay makapanghihikayat ng mas maraming operator at tsuper na sumali sa isang kooperatiba o bumuo ng isang korporasyon bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng gobyerno.
Halos lahat ng kaluwagan na naiisip ng LTFRB ay kanila nang ipinatutupad, na sa tingin nila ay makakatulong ng malaki para mapadali ang naiisip nilang modernisasyon, ngunit tila hindi pa rin kumbinsido ang mga may-ari ng traditional jeepney.
Basta ang pinaniniwalaan ng mga operator at tsuper ay dapat nilang iwasan ang PUV Modernization Program dahil sobrang laki ng gastos para mapalitan ang kanilang lumang sasakyan bukod pa sa posibilidad na tuluyan na umanong mawala ang kanilang kabuhayan sa oras na pumasok sila sa franchise consolidation.
Mas nais ng mga samahan ng mga may-ari ng tradisyunal na jeepney na tuluyan nang suspindehin ang pagpapatupad ng Department of Tourism (DOTr) Order 2017-011 na nagtatakda ng rules and requirements ng PUVMP upang magkaroon ng pagkakataong ma-review ang naturang programa.
Paubos na ang mga tradisyunal na jeepney ngunit nais pa rin ng mga operator at tsuper na muling ma-review ang buong programa ng modernisasyon at iginigiit nilang maisama sila sa konsultasyon dahil libu-libong kabuhayan umano ang maaapektuhan.
Maraming samahan ng mga traditional jeepney ang nagpahayag na hindi naman umano sila tutol sa modernisasyon, basta’t matiyak lamang umano ng ang naturang programa ay parehas at mabigyang-prayoridad ang maliit na tsuper at operator.
Pang-apat na itong gitgitan at sa nakikita ko ay parehong matigas ang magkabilang panig sa kanilang paninindigan dahil pakiramdam nila ay pareho silang nasa tamang sitwasyon.
Ang hindi ko lang matiyak sa gitgitang ito ay kung hindi ba talaga sila magkaintindihan o sadyang ayaw nilang intindihin ang isa’t i
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments