ni Zel Fernandez | May 5, 2022
Pinirmahan na ng Department of Transportation (DOTr) at ng Tokyu-Tobishima Megawide Joint Venture (TTM-JV) ang Contract Package 104 (CP104) na bahagi ng Metro Manila Subway Project (MMSP) Phase 1, na naglalayong makapagtayo ng 23,000 sqm underground Ortigas station at 17,900 sqm underground Shaw station.
Sa pangunguna ni DOTr Sec. Arthur Tugade, naisagawa sa EDSA Shangri-La, Mandaluyong ang contract signing kasama si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa at mga kinatawan ng napiling contractor.
Bukod sa mga underground station sa Ortigas at Shaw, saklaw din umano ng naturang kontrata ang konstruksiyon ng 3.4 kilometrong tunnel mula sa Ortigas patungong Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Pagmamalaki ng Department of Transportation (DOTr), ang malaking proyekto ay makapagbibigay ng 5,000 trabaho sa mga Pinoy workers.
Samantala, pirmado na rin ang Right-of-Way Usage Agreements (ROWUA) sa pagitan ng DOTr at ng iba’t ibang korporasyon upang mapabilis ang konstruksiyon ng Metro Manila Subway.
Nauna nang ibinahagi ng DOTr ang paglalarawan sa bilis, accessibility, lawak, advanced at state-of-the-art technology, at disaster-resilient features ng bubuuing Metro Manila Subway, na kinikilalang “Project of the Century” dahil sa pagsasakatuparan umano ng “50-year dream” ng transportasyon sa Pilipinas.
Sa iba pang detalye mula sa DOTr, ang Metro Manila Subway ay tinatayang mayroong haba na 33 kilometers; 17 istasyon, at magpapabilis umano ng biyahe mula Quezon City patungong NAIA, kung saan ang dating isang oras at 10 minutong biyahe ay magiging 35 minuto na lamang.
Comments