ni GA @Sports | April 22, 2024
Mga laro sa Martes
(Philsports Arena)
4 n.h. – Capital1 vs NXLed
6 n.g. – Farm Fresh vs Choco Mucho
Muling nagpakitang-gilas si all-around spiker Ejiya “Eya” Laure para sa Chery Tiggo Crossovers upang iangat ang koponan sa krusyal na estado ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference elimination round tungo sa nalalapit na pagpasok ng koponan papuntang semifinal round.
Humarurot nang husto sa hampasan ang dating University of Santo Tomas Golden Tigresses sa ginawang 14 puntos sa huling panalo ng Crossovers upang lumapit ang koponan sa semifinals, matapos walisin ang Akari Chargers sa 25-17, 25-20, 25-17 nitong Sabado ng hapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna tungo sa ika-anim na sunod na panalo para sa 8-2 kartada para sa four-way tie sa liderato kasama ang Petro Gazz Angels, Choco Mucho Flying Titans at defending champions Creamline Cool Smashers.
Naging mabisa rin ang ipinakitang laro ni Laure laban sa PLDT High Speed Hitters sa bisa ng straight set sa 25-22, 25-16, 25-20, kasunod ng 12pts at pitong digs, dahilan para hiranging PVL Press Corps Player of the Week sa magkasunod na linggo mula Abril 16-20 sa nag-iisang professional league na handog ng Sports Vision.
Sunod-sunod ang mabibigat na larong itinawid ng Crossovers kabilang ang pangwawalis sa Creamline at makapigil-hinigang five-setter na panalo laban sa Petro Gazz upang maisakatuparan ang pagpasok sa Final 4 kasama pa rin ang collegiate coaches na sina Kungfu Reyes at Ian Fernandez.
“Siguro kung ano ‘yung mga sinasabi ni coach Kungfu dati, lagi ko yung nire-recall kasi sometimes 'yung pagtitiwala sa sarili, sometimes ‘di siya enough for me.
Malaking bagay si coach Kungfu talaga na nagre-remind kung sino talaga ako, kung ano ba yung napag-hirapan ko dati na kayang-kaya kong dalhin sa pro,” wika ni Laure.
Comments