ni Chit Luna @News | April 6, 2024
Inirekomenda ng House Committee on Ways and Means ang pagsampa ng tax evasion case laban sa Flava Corporation matapos matagpuan ng mga awtoridad ang P1.4 bilyong halaga ng umano'y iligal na e-cigarettes sa warehouse nito sa Valenzuela City noong Oktubre 2023.
Nanawagan din ang mga mambabatas ng agarang pagsuspinde sa operasyon ng Flava Corporation matapos ang dalawang pagdinig ng naturang komite.
Bago nito, nilusob ng mga awtoridad ang isang bodega sa Valenzuela City na naglalaman ng P1.4 bilyong halaga ng umano'y ilegal na e-cigarette na may tatak na Flava.
Ayon sa ulat ng komite, mayroong dalawang posibleng konklusyon, na parehong may kinalaman sa pag-iwas sa buwis o paglabag sa batas ng Flava Corporation, maliban lamang kung mapapatunayan ng kumpanya ang kapasidad nito sa paggawa ng naturang produkto sa bansa.
Lumalabas sa ulat na ang kumpanya ay walang brand na nakarehistro para mag-import at walang itong pasilidad na may kakayahang mag-manufacture ng e-cigarettes.
Ang kamara ay nagsagawa ng imbestigasyon sa pangunguna ni Rep. Rufus B. Rodriguez para tugunan ang naiulat na pagpupuslit ng mga e-cigarette at pagkawala ng buwis na aabot sa P728 milyon.
Matapos ang pagdinig, hiniling ng komite ng Kongres sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na isulong ang legal na aksyon laban sa Flava Corporation batay sa mga natuklasang ebidensya.
Sinabi ng komite na batay sa Section 115 (a) ng National Internal Revenue Code (NIRC), dapat agarang suspendihin ng BIR ang operasyon ng Flava Corporation. May awtoridad ang BIR na suspindihin ang isang negosyo dahil sa paglabag tulad ng hindi pag-isyu ng resibo, hindi pag-file ng value-added tax returns o hindi tumpak na pag-uulat ng mga benta.
Inirekomenda rin ng komite ang pagsampa ng mga kaso laban sa Flava Corporation sa ilalim ng Seksyon 263 ng NIRC dahil sa hindi wastong pagbabayad ng excise tax. Ang NIRC ay nagpapataw ng multa na P10 milyon hanggang P20 milyon at pagkakulong ng 10 hanggang 12 taon para sa kalakal na lampas sa P1 milyon.
Inirekomenda din ng komite ang pagpigil sa pagbebenta ng lahat ng produktong e-cigarette ng Flava Corporation na hindi mapapatunayan na nagbayad ng buwis o hindi rehistrado sa BIR. Ito ay base na din sa Seksyon 23 ng RA No. 11900 o Vape Law na nag-uutos ng pagbawi, pagbabawal, o pagsamsam ng mga hindi rehistradong vapor products.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng kamara sa pagkatuklas noong Oktubre 2023 ng Intellectual Property Rights Division ng Customs Intelligence and Investigation Services (IPRD-CIIS) sa isang bodega sa Valenzuela na umano'y ginagamit bilang imbakan ng mga ilegal na inaangkat na electronic cigarettes at vape products na walang binabayarang kaukulang buwis.
Inispeksyon ng IPRD-CIIS, Formal Entry Division ng Port of Manila at Philippine Coast Guard Task Force Aduana at Bureau of Customs ang bodega at nadiskubre ang 14,000 kahon na naglalaman ng humigit-kumulang 1.4 milyong piraso ng 10 milliliter disposable vapes na may markang “Flava”. Ang mga produkto ay may tinatayang halaga na P700 milyon at kaukulang bayarin na P728 milyon sa excise tax.
Ayon sa ulat ng komite, ang mga inisyal na dokumentong isinumite ng Flava Corporation ay walang kasamang import documents at proof of payment ng buwis.
Samantala, ang address ng opisina ng Flava Corporation ay napag-alamang isang bahay na may dalawang palapag at 150 square meters na walang kapasidad na gumawa ng produkto.
Sa pagdinig noong Disyembre 12, 2023, isang kinatawan ng Flava Corporation ang nagpatotoo na kinukuha nila ang kanilang produkto sa third-party importer kahit na ang tatak ng Flava Corporation ay lisensyado bilang lokal.
Ang pag-amin na ito ng kinatawan ng Flava Corporation ay prima facie na ebidensya ng pag-import ng e-cigaettes na walang lisensya, ayon sa komite.
Pinatunayan din ng BIR na walang brand ang Flava Corporation na nakarehistro para sa pag-import.
Ipinapakita ng ulat ng komite ang malawakang iligal na aktibidad sa industriya ng e-cigarettes at binibigyang diin ang pangangailangan ng reporma sa batas para epektibong labanan ang maling gawain.
Comments