ni Jeff Tumbado | December 27, 2021
Marami pang mga lugar sa Visayas at Mindanao na hinagupit ng bagyong Odette ang hindi pa naabot ng kahit anong tulong bagamat patuloy na lumalaban ang mga nakaligtas na nasalantang pamilya.
Inihayag ito ni Ang Probinsiyano partylist Rep. Alfred Delos Santos na umikot na rin sa ilang malalayong komunidad sa Bohol upang maiparating ang tulong ng gobyerno sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ni Delos Santos na aabot sa 350 pamilya ang nauna nang nabiyayaan ng noche buena bags at ayuda bags ng kanilang grupo sa baybaying komunidad ng Jagna, Bohol ngunit batid nitong marami pang lugar ang dapat marating sa lalong madaling panahon.
Nabatid din mula kay Ronson Tumaliwan, auxiliary officer ng Philippine Coast Guard at residente ng Jagna na maraming lugar pa rin sa Bohol ang hindi madaanan ng mga sasakyan at hindi pa rin naaabutan ng tulong tulad ng mga bayan ng Ubay at Trinidad.
“Kami rito sa Jagna, hindi man kasinlala ang naging pinsala sa lugar namin, 37 ang namatay dito, maraming bahay ang nasira at nangangailangan din kami ng tulong,” ayon kay Tumaliwan.
“Kaya nagpapasalamat kami sa Ang Probinsyano Party List kasi kaming nasa “outskirts” nahatiran ng tulong. Sabi nga ng isang kasama namin dito, salamat dahil may pang-spaghetti na kaming handa ngayong Pasko!” dagdag nito.
Bilib naman ang kongresista sa katatagan ng mga residente sa kabila ng matinding pinagdaanan dahil sa bagyo.
“Natutuwa akong makita na mukhang masisigla pa rin po kayo, it’s a good sign na hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Hindi tayo nawawalan ng determination na magkaroon pa rin tayo ng Pasko. Ang gusto ko lang pong sabihin sa inyong lahat ay huwag po tayong susuko. Nandito po ang aming Partido, ang Ang Probinsyano Party List, lagi pong nag-iikot at sumasama sa mga laban niyo,” ayon kay Delos Santos.
Nakatakda pang umikot sa ilang komunidad sa Cebu ang Ang Probinsiyano Partylist upang maghatid ng ayuda sa mga nasalanta rin ng bagyo sa lalawigan.
Komentarze