top of page
Search

Konektadong Pinoy Act, maghahatid ng internet sa bawat Pilipino

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 11, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa ang Konektadong Pinoy Act (Senate Bill No. 2699) na isinusulong ng inyong lingkod bilang isa sa mga co-sponsor at co-author.  


Kung maisasabatas natin ang panukalang ito, hindi lamang natin maihahatid ang internet sa bawat sulok ng bansa. Magagamit din natin nang husto ang mga bagong teknolohiya para sa mas mabisang paghahatid ng mga serbisyong may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, pinansyal, kahandaan sa mga sakuna, kaligtasan ng publiko, at iba pa.


Matatandaan ang ating naging karanasan noong pandemya ng COVID-19, kung saan umasa tayo sa internet at digital technology upang maipagpatuloy natin ang pag-aaral, pagtuturo, at pagtatrabaho. Ngunit marami pa rin sa ating mga kababayan ang nananatiling walang access sa internet. 


Ayon pa sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2024, ang internet sa Pilipinas ang pinakamahal sa Timog-Silangang Asya ngunit mas mabagal pa rin ito kung ihahambing sa Singapore, Thailand, Malaysia, Vietnam, at Brunei.


Sa ilalim ng ating panukala, padadaliin natin ang pagpasok ng mga bagong players na nagpapanatili ng digital infrastructure at naghahatid ng mga digital services. Mahalaga ito upang mahikayat natin ang pagpasok ng mga investors o mamumuhunan, at maisulong natin ang kompetisyon para sa pinakamahusay na serbisyong digital. 

Imamandato rin ng panukala ang pagbibigay ng prayoridad sa mga unserved at underserved areas. Ito ‘yung mga lugar na wala o limitado ang access sa digital technology. 


Bibigyan din ng prayoridad ang mga paaralan sa pagpapatayo ng mga kinakailangang imprastruktura para sa paghahatid ng mga digital services. Makakatanggap naman ang mga mag-aaral ng discount sa paggamit nila ng mga serbisyong ito.


Upang itaguyod ang interes ng publiko, sisiguraduhin din ng ating panukalang batas ang mas maayos na kalidad ng internet at iba pang serbisyong may kinalaman sa data transmission. Titiyakin din nating abot-kamay ng ating mga kababayan ang mga serbisyong ito habang pinapangalagaan ang pambansang seguridad ng ating bansa. 


Napapanahon na upang tugunan natin ang digital divide at ihatid sa bawat kabahayan ng ating bansa ang maayos at abot-kamay na internet at iba pang digital technologies. Kapag nagawa natin ito, bawat isa sa ating mga kababayan ang mabibigyan ng oportunidad at mga benepisyong hatid ng mga teknolohiyang ito.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page