@Buti na lang may SSS | February 19, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Noong nakaraang buwan ay nagtanggalan sa pinapasukan kong kumpanya. Kasama ako sa nawalan ng trabaho. Mayroon ba akong matatanggap na benepisyo mula sa SSS? Maraming salamat. – Marlon
SAGOT:
Mabuting araw, Marlon. Ang Social Security System (SSS) ay mayroong tinatawag na Unemployment Insurance o Involuntary Separation Benefit na mas kilala sa pangalang Unemployment Benefit Program.
Sa ilalim nito, ang kuwalipikadong miyembro ay makakatanggap ng tulong pinansyal mula sa SSS sakaling siya ay inboluntaryong mawalan ng trabaho.
Para sagutin ang tanong mo, ating alamin ang qualifying conditions ng programa. Una, kailangan ang miyembro ay mayroong 36 monthly contributions, kung saan ang 12 ay nabayaraan sa loob ng 18-month period bago ang buwan ng inboluntaryong separasyon sa trabaho.
Ikalawa, ang edad niya ay hindi dapat humigit sa 60 sa panahon na mangyari ito, pero kung siya naman ay underground o surface mineworker, hindi ito dapat humigit sa 50, at 55 naman kung siya ay isang racehorse jockey.
Ikatlo, kailangan ang dahilan ng pagkatanggal niya sa trabaho ay hindi niya kagagawan.
Ilan d’yan ay ang authorized causes for termination of employee na nakapaloob sa Articles 298 (283) at 299 (284) ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, as amended, na kinabibilangan ng installation ng labor-saving devices, closure o pagtigil ng operasyon, pagkakasakit, kung saan ang patuloy niyang pagtatrabaho ay makakasama sa kanyang kalusugan o kanyang mga katrabaho atbp.
Kasama rin d’yan ang just causes na isinasaad sa Article 300 ng Labor Code of the Philippines, as amended, kung saan maaari niyang wakasan ang kanyang employment relationship nang walang abiso sa kanyang employer. Halimbawa nito ay serious insult mula sa employer o representative niya sa dangal o katauhan ng empleyado, hindi makatao o hindi katanggap-tanggap na pagtrato ng employer o ng representative niya, at iba pang kahalintulad na mga sitwasyon.
Katanggap-tanggap din na dahil ang economic downturn, natural o human-induced calamities o disasters, at iba pang kondisyon na papahintulutan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng SSS.
Samantala, hindi naman kuwalipikadong makatanggap ng unemployment benefit ang miyembro kung ang dahilan ng pagkatanggal sa trabaho ay dahil sa just causes na isinasaad sa Article 297 (282) ng Labor Code of the Philippines, as amended, gaya ng serious misconduct, sinasadyang hindi pagsunod sa mga makatarungang utos, gross at habitual na pagpapabaya sa mga tungkulin atbp.
Ang prescriptive filing period ng unemployment benefit ay isang taon mula sa petsa ng involuntary separation. Ngunit dahil mayroong pandemya sa kasalukuyan, ito ay pansamantalang suspendido alinsunod sa SSS-DOLE JMC No. 001.
Dagdag pa rito, ang unemployment benefit ay maaari lamang i-claim ng isang beses sa loob ng isang taon.
Nawa ay nasagot ko ang tanong mo, Marlon. Inaanyayahan kita, pati na rin ang iba pang nais malaman ang buong detalye ng Unemployment Benefit Program, kasama ang step-by-step process ng pagpa-file ng claim, na bisitahin ang Knowledgebase Section ng https://crms.sss.gov.ph/. Makikita niyo rin diyan ang detalye ng iba pang benefit at loan programs ng SSS.
Mayroon din kaming webinar tungkol sa Unemployment Benefit Program na mapapanuod sa SSS Webinar Playlist ng aming YouTube Channel—“mysssph.”
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Marso 31, 2023 para sa calendar year 2021.
Samantala, ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship. Kung kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas ang isang retirement pensioner, sila ay exempted na para sa ACOP compliance.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments