top of page
Search
BULGAR

Komplikasyon sa diabetes, paano nga ba maiiwasan?

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 22, 2020




Dear Doc. Shane,


Ano ba ang dapat gawin upang maiwasan ang diabetes? – Marrah


Sagot


Ayon sa mga eksperto, tinatawag na “silent killer” ang diabetes dahil hindi agad makikita o mararamdaman ang mga sintomas nito hanggang sa magkaroon na ng komplikasyon.


Maaaring magkaroon ng komplikasyon ang diabetes mula ulo hanggang paa dahil dumadaloy ang dugo sa buong katawan. Ang normal na consistency ng dugo sa ating katawan ay dapat kasing-labnaw lamang ng tubig. Habang pataas nang pataas ang kanilang blood sugar, palapot nang palapot ang dugo na dumadaloy mula ulo hanggang paa.


Maging ang utak ay hindi lusot sa komplikasyon ng diabetes dahil may blood vessels na maaaring mabarahan at puwedeng maging sanhi ito ng stroke.


Bukod dito, 20% ng mga may diabetes ang may katarata habang 10% naman ang mga may komplikasyon sa retina na maaaring mauwi sa pagkabulag.


Dahil hindi maganda ang daloy ng dugo sa area na ‘yun, ang nangyayari ay natutuklap ang retina o tinatawag na retinal detachment na siyang sanhi ng panlalabo ng mata na kapag hindi naagapan, nauuwi ito sa pagkabulag.


Samantala, puwede ring mabarahan ang ugat sa puso dahil sa diabetes at mauwi sa myocardial infarction o tinatawag na heart attack. Kung masuwerteng makaligtas mula sa heart attack, maaari pa ring magkaroon ng lamat sa puso at kapag hindi naagapan ang paglapot ng dugo, puwede itong mauwi sa heart failure.


Paano ito maiiwasan?


Upang maiwasan ang komplikasyon ng diabetes, makabubuting magpakonsulta agad sa doktor upang makontrol ang blood sugar. Una sa lahat kailangang makontrol ang blood sugar. Kapag na-diagnose na may diabetes, ipinapayo ang regular na follow-up sa inyong endocrinologist kasi mahalagang ma-monitor kada dalawa o tatlong buwan ang blood test.


Ikalawa, bukod sa sugar control, ‘yung iba pang risk factors tulad ng pagtaas ng sugar o cholesterol, dapat ding may mga kaukulang gamot na ibigay. Hindi puwedeng diabetes lang ang gagamutin at ibabalewala ‘yung ibang sakit.


Mahalaga ang pag-eehersisyo sa loob ng 150-minuto sa isang linggo upang maiwasan ang mga komplikasyon. Maaari itong hatiin ng tig-30 minutong ehersisyo sa loob ng limang araw kada linggo at kahit paglakad lamang ay puwede na.


Mahalaga rin ang pagpili ng pagkain at paglimita sa carbohydrates tulad ng kanin, pasta at tinapay. Dapat alam ninyo ang mga pagkaing dapat kainin at mahalagang limitahan ito.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page