ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 30, 2022
Sabi nga ng mga nakatatanda, sa likod ng itim na ulap sa tanghaling tapat, nariyan lang ang araw at patuloy na sumisikat. Kumbaga, may liwanag na naghihintay.
Sa ganito natin maihahambing ang nangyaring digmaan sa Marawi City, may limang taon na ang nakararaan. Bangungot na kumitil sa napakaraming buhay ng kasundaluhan at mga sibilyan. Trahedya na umagaw sa pangarap ng napakarami nating kababayang Maranao at nagpahina sa kanilang kalooban. Pero ngayon, kumbaga, unti-unti nang nahahawi ang maitim na ulap at sumisilay na ang liwanag dahil dumating na ang pag-asa.
Kamakailan lang, nilagdaan at tuluyan nang isinabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Marawi Siege Victims and Compensation Act – isang batas na isinulong at inisponsor natin sa Senado bilang chairman ng Senate committee on Finance.
Napakatagal man nang ipinaghintay ng mga kababayan natin sa Marawi sa tulong na ito – naging daan naman ito ngayon upang mabuhayan sila ng loob at mabigyan ng panibagong pag-asa.
Kaya't sa pamamagitan po ng kolum nating ito, ipinararating natin kay Pangulong Duterte ang isang taos-pusong pasasalamat dahil talagang napakalaking tulong nito sa mga kababayan nating hinagupit ng digmaan sa Marawi.
Marami na ang nagawa sa nakaraang taon sa ilalim ng Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP) pero hindi makukumpleto ang proseso ng pagbangon ng Marawi kung hindi maibabalik sa normal ang buhay ng mga naapektuhang residente.
Mas mabilis ang pagbangon ng Marawi City kung bibigyan ng kakayahan at kapangyarihan ang kanilang mga residente, at mabigyan din sila ng bayad-pinsala.
Sa ilalim po ng batas na ito, sakop ng tax-free monetary compensation ang mga residente at business owners ng Marawi City na kabilang sa Most Affected Areas o MAA at Other Affected Areas o OAA.
Sa ilalim po ng MAA, mayroon tayong 24 most affected barangays na kinabibilangan ng Lumbac Madaya, South Madaya, Raya Madaya 1, Raya Mdaya 2, Sabala Amanao, Sabala Amanao Proper, Tolali, Daguduban, Norhaya Village, Banggolo Poblacion, Bubong Madaya, Lilod Madaya, Dansalan, Datu sa Dansalan, Sangkay Dansalan, Moncado Colony, Moncado Kadilingan, Marinaut West, Marinaut East, Kapantaran, Wawalayan Marinaut, Lumbac Marinaut, Tuca Marinaut at Datu Naga.
Sa OAA naman, meron tayong walong iba pang barangay na kinabibilangan ng Saduc Proper, Panggao Saduc, Raya Saduc, Lilod Saduc, Datu Saber, Bangon, Fort at Wawalayan Caloocan.
Kasama po sa mga tatanggap ng monetary compensation ang private property owners matapos ma-demolish ang mga pag-aari nilang establisimyento kaugnay ng implementasyon ng MRRRP.
At dahil usapang pinansiyal po ito, kailangang tiyakin na walang magiging aberya at umabot ang tulong sa mga tunay na benepisyaryo. Kaya para po masigurong maayos ang distribusyon ng kompensasyon, itatag ng gobyerno ang isang Marawi Compensation Board.
Layunin ng lilikhaing Board na ma-monitor ang pamamahagi ng kompensasyon at matiyak na magiging maayos ang distribusyon nito sa mga kababayan nating pinag-ukulan ng tulong.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments