ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | January 5, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_7a6bc11a9ee64411a4f7727e16af5d16~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_7a6bc11a9ee64411a4f7727e16af5d16~mv2.jpg)
Dumalo sa post-birthday party ni Ogie Diaz ang dalawang anak na sina Erin at Godhie kasama ang Mommy Georgette nila na ginanap sa DD Bar nitong Martes nang gabi hanggang madaling-araw.
Kung dati ay kumpleto ang mga anak ni Ogie sa kanyang party, ngayon ay dalawa lang.
“Minor kasi ‘yung tatlo, hindi pa puwedeng pumasok sa bar, sila lang," aniya sabay nguso kina Erin at Godhie.
Aliw na aliw kami kay Ogie dahil kahit na maraming bisitang ineestima na karamihan ay mga talents niyang influencers ay nakabantay siya sa mga anak at sinabihang bawal silang uminom.
Si Erin ay 20-anyos na at si Godhie naman ay 19 yrs. old naman kaya legal na, pero nananatili silang bata sa paningin ng ama.
“Daddy, puwede, may dala akong gamot, oh! Saka kumain naman na ako,” katwiran ng panganay ng may kaarawan.
Itinanong namin kung bakit pinagbabawalan niyang uminom ang mga anak, eh, bar ang venue.
“'Pag nasahiran ng alcohol, sinisikmura siya,” katwiran ni Ogie sa amin.
“Oy, Erin, 'pag ikaw sinikmura, ha, itakbo mo mag-isa sarili mo sa ospital! Babawasan ko ang mana mo!” diing sabi ni Ogie sa anak.
Nagkatawanan ang mga bisitang nakarinig sa banta ng ama.
Bumaling naman ito sa ikalawang anak, “O, Godhie, bawal uminom!”
“Hindi, daddy,” sabi ng anak ni Ogie na magdo-doktor.
Napansin ni Georgette na tumatalak ang mister, “Kaya nila ang sarili nila, saka may usapan na kami ni Erin na kapag nandito ako o tayo, okay lang (uminom), pero 'pag wala ako, bawal na bawal.”
At dahil maraming bisita si Ogie tulad nina Direk Joey Reyes, Oliver Carnay (US based publicist/ event organizer at talent manager) at iba pa, kaya nawawala ang paningin niya sa mga anak.
In fairness, mababait ang mga dalaga ni Ogie, takot sila sa daddy nila. Kaya naman laging ipinagmamalaki ng content creator ang limang anak nilang babae ni Georgette dahil may respeto at sumusunod sa mga magulang.
In return ay ganu’n din naman ang mag-asawa sa kanilang mga anak na kapag need ng space ay hinahayaan nila tulad nu’ng humintong mag-aral si Erin dahil mas gusto nitong maging vlogger tulad ng ama na sinuportahan ni Ogie.
At ngayong established na ang dalaga dahil mayroon na siyang 650K subscribers at kumikita na ay saka nito naisip na bumalik sa pag-aaral.
Nabanggit din dati sa amin ni Ogie na binigyan niya ng responsibilidad ang panganay niya since kumikita na.
“Sabi ko, siya ang magbayad ng kuryente para maramdaman niyang may responsibilidad siya, hindi puwedeng puro hingi at libre. Okay naman, nagbibigay, ha, ha, ha! Tapos, siguro nakikita niyang lahat ng kapatid niya, nag-aaral, nagsabi na babalik na raw siya sa school.
“Hayun, last year natapos niya ang senior high (sa Reedley International School), sabay sila ni Godhie na natapos naman niya ang senior high sa UST (University of Santo Tomas), diretso na rin siyang mag-enrol ng BS Medtech (Medical Technology) kasi gustong mag-doktor.”
Nasa high school at elementarya naman ang tatlong anak na babae pa nina Ogie at Georgette.
“Si Jeorge, gustong maging abogada, support lang kami ng mommy nila,” saad pa ni Ogie.
Kaya pala pabirong post nito sa kanyang Facebook account na wish niya ay umabot nang 100 years para makita niyang nakatapos lahat ang mga anak at succesful sa kani-kanilang mga buhay.
Ang limang anak din ang dahilan kung bakit sobrang sipag ng dating editor ng Mariposa magazine ni Nanay Cristy Fermin para may maipamana siya sa kanila.
Sineryoso namin ng tanong si Ogie kung ano ang wish niya ngayong 53rd birthday niya, “Dyusko, Reggee! Uso pa ba ‘yun?”
Pero ang latest project niya ay podcast at malapit na ang launching. Kaya bukod sa Showbiz Update at Ogie Diaz Inspire YouTube channel niya ay malapit na rin siyang mapanood sa iba pang online platforms.
Napansin din naming mas marami na siyang talents na influencers kaysa artista.
“Oo, doon na kasi talaga papunta, mas malalakas na silang kumita ngayon kaysa sa ibang artista,” paliwanag sa amin ng birthday celebrator.
Comments