ni Mai Ancheta @News | September 8, 2023
Huhulihin at susuyurin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kolorum na sasakyan sa Metro Manila at buong bansa upang matuldukan ang ilegal na operasyon ng mga ito.
Inatasan na ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang mga regional directors nito upang maglunsad ng crackdown laban sa mga walang linyang mga sasakyan.
Ani Mendoza, matagal nang problema ang kolorum sa bansa kaya panahon na para tuldukan ang mga ito.
Nakokompromiso aniya ang kaligtasan ng mga pasahero sa mga kolorum na sasakyan dahil hindi nakakasunod ang mga ito sa road worthiness parameters.
Kabilang sa mga pinasusuyod ang mga bus terminal, kasama na ang paghabol sa mga ilegal na bus services.
Inatasan din ang regional directors na makipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) para sa kanilang ilulunsad na anti-colorum operations.
Tiniyak ng LTO chief na hindi makakaapekto ang crackdown sa mga lehitimong PUV, bagkus ay mas gaganda ang kanilang biyahe dahil hindi na sila maaagawan ng mga ilegal na namamasada.
Comments