ni Mary Gutierrez Almirañez | March 16, 2021
Dalawampu’t tatlo ang checkpoints na inilatag ng Quezon City Police District sa iba't ibang lugar ng lungsod simula kahapon, Marso 15, para manita ng mga motorista na lumalabag sa health protocol at upang masiguro na hindi kolorum o ilegal ang ilang sasakyan.
Ayon sa ulat, kabilang sa nilatagan ng checkpoint ang San Mateo-Batasan Road kung saan hindi na kukunin ang body temperature ngunit patuloy pa ring tinitingnan sa bawat pampublikong sasakyan kung nakakasunod sa minimum health standard ang mga pasahero katulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng special operations ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa Taft Avenue sa tabi ng Manila City Hall, kung saan 5 vans ang hinuli sapagkat walang maipakitang mga papeles ang drayber at ang iba nama’y expired na ang permit bilang UV Express.
May ilan ding nahuli dahil magnetic sticker lang ang idinikit sa sasakyan sa halip na pintura kaya puwede umanong gamitin 'yun bilang private car.
Ang mga nahuling sasakyan ay ii-impound sa Pampanga kung saan kailangang magbayad ng P200,000 para makuha ng may-ari. Maliban sa kolorum vans ay mahigit 50 pampublikong jeep at motorsiklo rin ang natikitan dahil sa iba't ibang violations.
Comments