ni Jasmin Joy Evangelista | December 2, 2021
Bistado ang isang kolektor ng pautang sa Mangaldan, Pangasinan matapos magpanggap na naholdap dahil naipatalo umano sa online sabong ang perang nakolekta.
Batay sa ulat, kinilala ang suspek na si Norjude Reyes, isang lending collector.
Nag-report umano si Reyes na naholdap siya at natangay ang koleksiyon niya na mahigit P18,000 sa Barangay Banaoang.
Nagpakita pa ito ng galos sa tagiliran na natamo raw niya sa ginawang panghoholdap ng dalawang lalaki at tinukoy pa ang dalawang suspek na nangholdap umano sa kaniya.
Ngunit ayon kay Police Lieutenant Arnel Diopesa, Deputy Officer, Mangaldan Police, napag-alaman sa kanilang imbestigasyon na ginawa umano ni Reyes sa sarili ang galos at hindi rin totoo na nabiktima siya ng panghoholdap.
"Lumalabas sa investigation na siya ay natalo sa online sabong," ani Diopesa.
Sinabi rin nito na ipinusta ni Reyes ang mahigit P18,000 na nakolekta niya sa pautang.
Mahaharap sa patong-patong na kaso si Reyes dahil sa nangyari.
Comments