ni Justine Daguno - @Life and Style | September 16, 2021
Dapat nating maging prayoridad ang oral health, sapagkat hindi lamang ito para sa kalusugan ng ating mga ngipin, kundi dahil nakatutulong din ito upang maiwasan ang iba pang hindi magandang kondisyon kabilang ang ilang uri ng cancer at diabetes.
Bukod sa pagpapanatiling malinis ang mga ito, kailangan din nating bigyang-pansin ang pagpapaputi nito. Well, narito ang ilan sa mga paraan upang mapanatiling fresh, malinis at maputi ang ating mga ngipin:
1. “WHITE-TEETH DIET”. Ayon sa mga eksperto, merong tinatawag na “white-teeth diet”. Ito ay pag-iwas sa madalas na pag-inom ng red wine, black tea o ‘dark juice’, gayundin ang madalas na pagkonsumo ng gravy, soy sauce at iba pang makulay na ipinanghahalo sa pagkain. Anila, sa regular na pagkonsumo ng mga ito, maaaring mababad nang husto ang mga ngipin, dahilan kaya ito ay naninilaw.
2. MAGPALIT NG TOOTHBRUSH. Okay lang magtipid, pero ‘wag ‘yan gawin sa inyong hygiene. Tradisyunal man o electric toothbrush ang gamit, kinakailangan itong palitan kada dalawa hanggang tatlong buwan. Ito ay dahil sa toothbrush madalas namamahay ang mga bakterya na hindi lamang sanhi ng paninilaw ng mga ngipin, kundi dahilan din kaya nagkakaroon ng bad breath.
3. BAKING SODA AT HYDROGEN PEROXIDE. Ang mga ito ay mainam na pamalit sa toothpaste sapagkat ang baking soda ay mayroong natural whitening properties na nakatutulong upang maalis ang mantya sa ngipin. Samantala, ang hydrogen peroxide naman ay natural bleaching agent na nakatutulong upang hindi pamahayan o maiwasan ang pagdami ng bakterya, hindi lamang sa ngipin kundi sa iba pang bahagi ng bunganga.
4. IWASANG MANIGARILYO. Tunay na dahilan ang paninigarilyo kaya naninilaw ang mga ngipin. Ito ay dahil ang nicotine na nakukuha mula sa yosi. Sa katagalan o kapag hindi iniwasan, hindi lamang paninilaw kundi pagkasira rin ng ngipin ang maaaring makuha rito, gayundin ang pagbaho ng hininga.
5. MAGPUNTA SA DENTISTA. Siyempre, iba pa rin ang payo ng mga espesyalista, kaya’t ugaliin ang regular na pagpapakonsulta. Maaaring ang paninilaw ng mga ngipin ay hindi lamang dahil sa maling lifestyle kundi senyales ng sakit o hindi magandang kondisyon. ‘Wag hintaying may masira o sumakit munang ngipin bago bumisita sa kanila. ‘Ika nga, mas mabuti ang umiwas kaysa magpagamot.
Malaking bagay ang pagkakaroon ng mapuputi at maayos na mga ngipin, sapagkat ito ay nakadaragdag ng kumpiyansa sa sarili. Pero hindi lamang ito natatapos sa dahilan na para maging kaaya-aya sa paningin ng iba kundi para mapanatiling malusog ang sarili.
Sana kahit palaging naka-facemask, ‘wag nating ismolin ang dental health. Gets mo?
Comments