ni Justine Daguno - @Life and Style | August 3, 2022
“Hindi buo ang araw ‘pag walang chismis.” ‘Yan ang motto ng mga taong kasama na sa daily routine ang pakikipag-chismisan. Tipong hindi lang vitamins kundi maintenance na ang pakikipag-chikahan. Kung noon ay sa tapat lang ng tindahan tuwing umaga o sa manicure/pedicure session sa hapon lang ito nangyayari, well ngayon, lahat na yata ay may side ng pagiging ‘Marites’ o ‘Mare, ano’ng latest?’ Wala nang pinipiling lugar at panahon. Chika pa more!
At ang ikina-oks pa r’yan, knows mo ba na may good benefits ang pakikipag-‘Marites’? That’s true, basahin mo:
1. GOOD SA HEART. Oportunidad ang pakikipag-chismisan upang ma-release ang level ng emosyon, kung saan chika ni Deborah Beroset, na isang communication expert, sa tulong ng pakikipag-chismisan, naiiwasang maipon ang sama ng loob ng tao, gayundin kung anumang emosyon na meron ito. Kapag walang kinikimkim na emosyon, oks ang daloy ng dugo sa katawan at happy ang heart.
2. OKS SA PERSONALITY DEVELOPMENT. Hindi palaging nega ang pakikipag-‘Marites’ dahil isa itong bonding, kung saan pinatunayan sa research ng Stanford University na may magandang epekto ito sa pag-develop ng ating personality. Nakakatulong ito na ma-improve ating pakikisama o pakikipagkapwa-tao, gayundin nai-improve ang sportsmanship at pagiging cooperative ng indibidwal.
3. STRESS RELIEVER. Isa pa sa mga benepisyo ng pakikipag-chikahan, ayon pa sa pag-aaral ng Stanford ay nakaka-relieve ito ng stress at anxiety. Sa tulong ng pakikipagkuwentuhan, nagkakaroon ng chance na makapag-open ng problema o anumang bumabagabag sa sarili. Oks din itong gawing outlet o pansamantalang pang-distract para hindi gaanong iniisip ang matinding problema.
4. REALITY CHECK. ‘Ika nga, ang ‘Marites’ ay pinaiksing “Mare, ano’ng latest?” Sa pakikipag-‘Marites’, hindi tayo napag-iiwanan ng mga ganap sa paligid. Alam natin palagi ang latest sa buhay ng mga celebrity, trending na bagay-bagay sa paligid at iba pa. Hinding-hindi mahuhuli sa balita dahil minsan, wala pang-announcement sa social media, aba’y may iskup na si ‘Mare’ na nakahandang i-share sa atin.
Habang tumatagal, lumalawak pa ang kahulugan ng ‘chismis’. Pero ‘wag kalimutan na kahit gaano pa ito kasaya o nakakaaliw, ‘wag ubusin ang panahon o ‘wag paikutin ang mundo sa gawaing ito. Gayundin, saktuhan lang, kumbaga’y walang dagdag at bawas, pero kung hindi maiiwasan, aba’y siguraduhing walang kapwa na matatapakan.
Okie?
Comments