ni Anthony E. Servinio @Sports | March 7, 2023
Dumaan sa dalawang overtime ang New York Knicks bago nila pinabagsak ang Boston Celtics, 131-129, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa TD Garden. Nanaig din ang Phoenix Suns sa Dallas Mavericks, 130-126, sa unang pagtatagpo nina Kevin Durant at Kyrie Irving matapos nilang umalis sa Brooklyn Nets noong Pebrero.
Uminit si Immanuel Quickley para sa pito ng kanyang 38 puntos sa pangalawang overtime para itapal sa Celtics ang pangalawang sunod na talo. Sumuporta si Julius Randle sa kanyang 31 puntos at humaba sa siyam ang kanilang panalo para sa kartadang 39-27.
Naisahan ni Durant ang dating kakampi na si Irving at naka-shoot upang wasakin ang 126-126 tabla na may 12.4 segundo sa orasan, 128-126. Hindi pa siya tapos at nagdagdag ng dalawang free throw matapos ang mintis ni Luka Doncic upang masigurado ang panalo at magtapos na may 37 puntos.
Kinuha ng numero unong Milwaukee Bucks ang pagkakataon na lumayo sa Celtics at nagtrabaho para sa 117-111 panalo sa Washington Wizards. Triple double si Giannis Antetokounmpo na 23 puntos, 10 rebound at 13 assist para sa 46-18 panalo-talo kumpara sa 45-20 ng Boston.
Sumandal ang Los Angeles Lakers sa dominasyon sa ilalim ni Anthony Davis na nagsumite ng 39 puntos at makamit ang 113-105 tagumpay sa World Champion Golden State Warriors. Nasayang ang pagbalik ni Stephen Curry galing pilay matapos ang pagliban ng 11 laro at pumukol ng 27 puntos mula sa limang three-points.
Samantala, humataw para sa 31 puntos si kabayan Jalen Green at nasugpo sa ikalawang beses sa loob ng 24 oras ng Houston Rockets ang San Antonio Spurs, 142-110.
Comments