ni Anthony E. Servinio @Sports | March 1, 2023
Pinatumba ng New York Knicks ang Boston Celtics, 109-94, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Madison Square Garden. Dahil dito, anim na sunod ang tagumpay ng Knicks at may bagong numero unong koponan sa liga na Milwaukee Bucks.
Nakasabay lang ang Celtics sa unang dalawang minuto at buhat doon ay dominado ng New York ang laro hanggang umabot ng 47-27 ang lamang sa 2nd quarter. Namuno sa Knicks sina All-Star Julius Randle at reserba Immanuel Quickley na parehong nagsumite ng 23 puntos.
Kahit mas marami ang panalo ng Boston (44-18), lamang ang Bucks (43-17) sa porsiyento ng panalo. Hahanapin ng Milwaukee ang kanilang ika-15 sunod na tagumpay sa laro ngayong araw sa pagdalaw sa Brooklyn Nets.
Lalong humigpit ang karera sa Eastern Conference at hinila pababa ng Miami Heat ang Philadelphia 76ers, 101-99. Naka-shoot si Jimmy Butler na may 1:28 sa orasan at ibalik ang abante sa Heat, 100-99.
Nahirapan makapuntos ang dalawang panig hanggang napasok ni Butler ang free throw na may walong segundong nalalabi subalit minintis niya ang pangalawa at nakuha ni Joel Embiid ang bola sabay tawag ng timeout. May pagkakataon ang 76ers pero hindi pumasok ang tres ni James Harden sabay ubos ng oras.
Bumida si Butler sa kanyang 23 puntos at 11 rebound. Umangat ang Miami sa 33-29 at ika-pito sa East habang bumaba sa 39-21 at nanatiling pangatlo.
Sa isa pang laro, nagtrabaho ng todo ang mainit Charlotte Hornets upang masugpo ang Detroit Pistons, 117-106, ang kanilang ika-limang sunod. Bumuhay sa Hornets si Terry Rozier na may 22 puntos sa gitna ng maagang pagkawala kay LaMelo Ball matapos mabalian ng bukong-bukong sa third quarter.
Comentarios