ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 6, 2020
![](https://static.wixstatic.com/media/b16d6f_bb0455e652094f2dbba35b170361d22a~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/b16d6f_bb0455e652094f2dbba35b170361d22a~mv2.jpg)
Special guests namin kahapon ni Ate Julie Bonifacio sa aming online showbiz talk show na #Celebrity BTS Bulgaran Na! na umeere sa Facebook page ng BULGAR tuwing Sabado, 11 AM, ang mag-inang Sherilyn Reyes at Ryle Santiago.
Nakakatuwa silang kausap, hindi lang sila madaldal, napaka-open pa, lalo na si Ryle na may mga hugot on the side pa at mga patawa na bentang-benta sa amin ni Ate Julie.
Kuwento ng mag-ina, hindi pa rin sila masyadong naglalalabas kahit medyo maluwag na ngayon dahil takot pa rin sila sa COVID-19.
Kaya, may mga shows at movies nga raw silang tinanggihan dahil hindi pa nila kayang magtrabaho lalo't locked-in taping ang uso ngayon sa mga serye kung saan lingguhan lang kung umuwi.
Pero kahit nasa bahay lang, kumikita pa rin sina Ms. She at Ryle (actually ang buo raw nilang pamilya!) dahil sa paggawa nila ng TikTok videos at ng account sa Bigo at Lyka kung saan depende sa ibinibigay na 'gifts' ng mga viewers ang kanilang kikitain.
At siyempre, may sarili ring negosyo si Sherilyn bilang reseller ng Beautederm products kung saan may store-booth siya sa Robinson's Mall sa Cainta bukod sa kanyang online store.
Yes, tuloy lang ang buhay ng pamilya ni Sherilyn at pinasok pa rin ang pagnenegosyo kahit kung matatandaan, a few months ago, inamin niya sa kanyang Instagram post na na-scam siya sa negosyo at malaking pera ang nawala sa kanya.
Nagulat nga kami sa kanyang pag-amin na umabot pala sa P37 milyon ang halaga ng branded bags na nakuha sa kanya ng isa niyang client na sa simula raw ay okay pa sa pagbabayad pero after a year ay du'n na sila nagkaroon ng problema rito.
Nasa korte na raw ngayon ang kaso at umaapela nga si Sherilyn sa DOJ na maging patas sana ang pagdinig lalo't nabalitaan daw nilang may malakas na impluwensiya ang kanilang kalaban.
Oo naman, 'no! P37 million is P37 million! Hindi 'yan dapat palagpasin na lang.
Pero ani Sherilyn, kesa ma-depressed at magkaroon ng mental health problem, pinili nilang maging positibo. Ngayon, kahit nagbabayad sila sa perang naloko sa kanila, thankful sila na tuluy-tuloy naman ang pasok ng blessings at ang pinakamahalaga nga naman, buo at masaya pa rin ang kanilang pamilya at nagtutulungan sa lahat ng pagsubok na dumarating.
Sa ngayon, dahil kering-keri na rin ni Ryle na kumita ng sariling pera ay nakakatulong na ito sa kanilang pamilya. In fact, si Ryle pa nga raw ang manager nilang mag-anak sa Bigo app at pati yata sa Tiktok.
Bongga naman! The family that does Tiktok together earns bigger!
Winner, 'di ba?!
Comments