top of page
Search
BULGAR

Kita sa buwis ng gobyerno, ibahagi sa mala-“nanay” na LGUs!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon |December 24, 2021



Iba talaga ang serbisyo-publiko kapag direktang nakakasalamuha ang mamamayan.


Bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, kapadung-kapado natin at nakikita ng direkta ang pangangailangan ng nasasakupan.


‘Ika nga, tulad ng nanay na “hands-on” sa mga pangangailangan ng kanyang mga anak, eh, ganyan din ang mga lokal na pamahalaan o LGUs at maituturing nating ama ng tahanan ang national government na provider ng badyet.


May kasabihang ang ina ang best manager ng mga kaperahan sa bahay na kapareho rin ng mga local government units o LGUs kasi nakikita nila ng direkta at sila ang sumasabak sa pang-araw-araw na gawain at detalyadong gastusin sa kanilang nasasakupan.


Kaya naman, hindi natin maiaalis na kapag tinapyasan ng tatay o national government ang badyet ni nanay o ng mga LGU, eh, hayan, si nanay ay pumuputak kasi siya ang sumasabak sa giyera ng gastusan, ‘di bah? Juicekolord! ‘Yung tipong wala nang huhugutin, pipiliting sarilinin ang pamamaraan at diskarte para magkasya ang badyet.


Ganyan ngayon ang lagay ng mga LGU natin na kumukuwestiyon sa Department of Finance kung bakit ba naman tinapyasan ang kanilang share sa national taxes gayung mas daragdagan pa ang kanilang pagkakagastusan dahil ibinibigay na ng national government ang iba pang tungkulin o functions sa kanila sa susunod na tatlong taon.


Aba, eh, saan sila huhugot kung said na said na ng pandemya?


Mantakin ba naman ninyong tanggalin ng DOF ang bilyun-bilyong national tax revenue o kita ng gobyerno sa mga buwis sa pagkukuwenta ng badyet ng mga LGU sa susunod na taon, hello!


Daing ng mga LGU, tinanggal ng DOF ang Php431 bilyon na halaga para sa kanila sa susunod na taon, at Php87 bilyon doon ang pinalagan ng League of Provinces of the Philippines (LPP) at iginiit na malaking kamalian.


Ang mangyayari niyan, kakapusin ang mga LGU ng Php35 bilyon o 40% ng Php87 bilyon, dahil ‘yan ang porsiyento na naisabatas. Hay naku, malaking problema ang idudulot niyan sa mga LGU. Saan pa sila huhugot ng badyet, ano ‘yun magmamadyik?


Agree tayo sa daing ng LGUs, bakit? ‘Di ba, nga ayon sa Mandanas ruling ng Korte Suprema noong 2018, nakalaan sa mga LGU ang 40% ng koleksiyon ng pamahalaan sa lahat ng buwis, na bumabago naman sa nakasanayan na tanging sa koleksiyon lang ng Bureau of Internal Revenue ibinabase ang kanilang badyet.


Eh, may dagdag-pahirap at gastusin pa sila sa inisyung Executive Order 138 tungkol sa debolusyon o paglipat ng ilang responsibilidad ng national government sa mga LGU.


Tapos ganyan ang badyet pinaliit? Santisima, saan pa sila huhugot ng pera, sobrang kakapusin ‘yan!


Pakaisipin naman ng DOF na ang nakalaan para sa mga development program ng mga barangay hanggang sa provincial level ay masasakripisyo at sapilitang pagkakasyahin kasama ang mga ililipat na tungkulin at gastusin sa mga LGU.


IMEEsolusyon d’yan sa hinaing ng mga LGU, eh, plis lang ibalik na ng DOF ang tamang kuwenta ng paglaan ng badyet sa ating mga LGU, ayon sa Mandanas ruling.


Remember, mahalaga ang mga LGU sa ating bansa dahil sila ang nakapronta sa mga serbisyo-publiko, lalo na sa pagrekober sa dagok ng pandemya.


Suportahan natin ng maayos ang pangangailangan ng LGUs, dahil ang pag-usad ng kalagayan ng mga lokal na pamahalaan ay pag-usad at pagrekober din ng national government at ng ating bansa sa kabuuan! ‘Di bah? Plis paki-plantsa na ang isyung ‘yan!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page