ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 19, 2021
Nanaig ang Sacramento Kings sa Boston Celtics, 100-67, upang mauwi ang korona sa 2021 NBA Summer League kahapon mula sa Thomas & Mack Center ng Las Vegas, Nevada. Kasama sa mga bagong kampeon si dating PBA MVP Jimmy Alapag na isa sa mga assistant coach ni head coach Bobby Jackson.
Tumalon ang Celtics sa maagang 15-4 na lamang ngunit hindi nagpatinag ang Kings at bumangon upang makuha ang first quarter, 24-20. Mula doon ay hindi na pinaporma ng Sacramento ang Boston at unti-unting lumayo at ang huling iskor ay siya ring pinakamalaking agwat na 33 puntos.
Nagsabog ng 21 puntos si forward Louis King upang mapili na MVP ng torneo. Tinulungan siya nina Jahmi’us Ramsey na may 16 puntos at Matt Coleman III na may 14 puntos. Matindi ang depensa ng Sacramento at nalimitahan ang opensa ng Boston na gumawa ng pinagsamang 400 puntos sa unang apat na laro. Tanging sina Carsen Edwards na may 15 puntos at Aaron Nesmith na may 12 puntos ang uminit para sa Celtics.
Layunin ngayon ng Kings na makabalik sa NBA Playoffs kung saan huli silang naglaro noong 2006. Ang nag-iisang kampeonato ng prangkisa ay dumating noong 1951 bilang Rochester Royals. Tinalo ng New Orleans Pelicans ang Minnesota Timberwolves, 87-59, sa malapit na Cox Pavilion para makamit ang ikatlong puwesto. Nanguna para sa Pelicans si Daulton Hommes na may 17 puntos.
Samantala, inilabas na ng NBA ang mga pambungad na laro para sa makasaysayang ika-75 taon ng liga simula Oktubre 20, petsa sa Pilipinas. Bubuksan ang bagong torneo sa pagdalaw ng Brooklyn Nets sa 2021 World Champion Milwaukee Bucks at susundan ng laro ng Golden State Warriors sa Los Angeles Lakers.
コメント