ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 16, 2025
Inihain kamakailan ng inyong lingkod ang isang panukalang batas na layong palawakin ang saklaw ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan.
Sa ilalim ng inihain nating Government Assistance to Private Basic Education Act (Senate Bill No. 2911), magiging bahagi na ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan ang mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 6. Dito, bibigyang prayoridad ang mga nangangailangang mag-aaral at mga completers ng Alternative Learning System (ALS).
Voucher system na lamang ang gagamitin nating sistema sa pagbibigay ng tulong pinansyal at magkakaroon na rin ng batayan sa pagpili ng mga benepisyaryo kagaya ng siksikan sa mga silid-aralan, pati na rin ang performance at tuition na sinisingil ng mga pribadong paaralan sa mga mag-aaral.
Layong amyendahan ng ating panukala ang Republic Act No. 6728 o ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (GASTPE). Matatandaang naamyendahan na ang naturang batas sa pamamagitan ng Republic Act No. 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE).
Naamyendahan muli ang saklaw ng E-GASTPE noong isabatas ang Enhanced Basic Education Act of 2013. Kasunod nito, nilikha at ipinatupad ng Department of Education (DepEd) ang Senior High School Voucher Program (SHS-VP) upang magbigay sa mga kuwalipikadong mag-aaral ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga vouchers. Ipinatupad ang programa upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan dahil sa dagdag na Grade 11 at 12.
Isa pang programang pinapatupad sa ilalim ng GASTPE ang Educational Service Contracting (ESC), kung saan nakakatanggap ng mga grant ang kuwalipikadong mga benepisyaryo. Sa ilalim ng ESC, ginagamit ng gobyerno ang labis na kapasidad ng mga sertipikadong private junior high schools, kung saan nagbibigay ng slots sa mga mag-aaral na papasok sana sa mga pampublikong paaralan. Isa sa mga pangunahing layunin ng ESC ay mabawasan ang siksikang mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Matatandaang noong nakaraang taon, pinangunahan natin ang pagrepaso sa pagpapatupad ng E-GASTPE Program. Lumabas sa mga pagdinig na nabigo ang ESC na mabawasan ang siksikan sa mga paaralan at mabigyang prayoridad ang mga nangangailangan ngunit mahuhusay na mag-aaral. Kaya naman isinusulong nating gamitin na lang ang voucher system dahil mas simple ito at mas matipid para sa ating pamahalaan. Mahihikayat din ng voucher system ang kompetisyon sa mga pribadong paaralan dahil bibigyang insentibo ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon at pagpapanatili ng mas murang matrikula.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments