top of page
Search
BULGAR

Kinakapos na supply ng hiringgilya, agapan!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 23, 2021



Good news na may 40 million doses ng bakunang Pfizer na paparating sa ating bansa sa mga susunod na buwan. Pero nakababahala naman ang shortage ng mga hiringgilyang pang-iniksiyon sa buong mundo.


Knows n’yo ba na mismong Amerika, kung saan nagmula ang Pfizer vaccine, eh, kapos na sa low dead space o LDS syringe? Harinawa’y hindi ito sapitin ng ating bansa at hindi ito makasagabal sa vaccination program natin.


Lalo na’t 75% ng mga hiringgilya na ginagawa ng pinakamalaking manufacturer sa Pilipinas, eh, ini-export sa North America at heto nga ang domestic supply natin inaasa sa importasyon. Aba, eh, malaking hamon talaga ito sa DOH.


Eh, ang mas marami ngayon ay mga tradisyunal na hiringgilya, pero hindi ‘yun ang mas kailangan natin para makatulong sa pagpapabilis na makamit ang herd immunity, kundi ang LDS syringe na may shortage na nga.


‘Yung LDS syringe kasi ay kayang gawin ang 40 million Pfizer doses sa 48 million, dahil nababawasan ang espasyo o puwang sa pagitan ng syringe plunger at dulo ng karayom, kaya’t nababawasan din na maaksaya ang bakuna.


Alam n’yo bang nakahihigop ang LDS syringe ng pang-anim na dose mula sa vial na pang-limahan lang. Pati sa Moderna vaccine nakahihigop ito ng isa pang dose sa vial na pang-sampuan. ‘Di ba! Kaya ito ang mas akma sa vaccination program ng ating bansa.


Para sa kaalaman ng lahat, noong wala pang pandemya, ginagamit ang LDS syringe sa mga partikular lamang na sakit kaya limitado lang ang produksyon nito kumpara sa tradisyunal na hiringgilya.


Pero dinaragdagan na ng mga manufacturer nito ang paggawa ng LDS syringe, kaya lang kung US nga kinakapos na, aba, eh, kung magkasabay-sabay na ulit na naman ang paglobo ng COVID-19 at magkaroon ng panibagong wave ng mga impeksyon, juicekolord paano na tayo?


IMEEsolusyon sa ganyang sitwasyon, eh, maging maagap na habang hindi pa nangyayari sa atin. Paano? Gawa na tayo ng mga advance order para hindi tayo kapusin at hindi magkaaberya ang ating vaccination program. Bilisan pa ang pagbabakuna sa mas maraming tao at sabayan ng puspusang information campaign laban sa pag-aatubiling pabakuna, para makamit natin ang herd immunity ngayong taon.


‘Ika nga sa motto ng mga girl scout, palaging handa! Reminder, ang pagsisisi palaging nasa huli! Kaya kumilos na!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page