ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 1, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Jenica na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na kinagat ako ng aso ng kapitbahay namin. Sabi ni mama, lagyan ko ng bawang ‘yung kagat, tapos pumunta kami sa health center para sa bakuna kontra rabies at umuwi na kami.
Naghihintay,
Jenica
Sa iyo, Jenica,
Dapat kilala ng mga aso ng kapitbahay ang kanilang mga kapitbahay, pero sa panaginip mo, hindi ka kilala ng aso na nakakagat sa iyo. Ang ganitong panaginip ay nagbababala na may lihim na galit sa iyo ang ilang tao sa iyong paligid na akala mo ay mga kaibigan mo.
Madali lang naman mabisto kung sinu-sino ang mga ito.
● Ang nakikipag-usap pero hindi makatingin sa iyong mga mata. Minsan ay nakatingin din, pero mabilis na inaalis ang tingin.
● Sa pagsasalita, may mga nakalilimutang tamang salita na angkop sa pinag-uusapan na para bang siya ay makakalimutin kahit siya ay hindi pa gaanong katandaan.
● Ang mga taong kapag kinuwentuhan mo na sinuwerte ka o maganda ang buhay mo ay makikita mong hindi masaya ang kanilang mukha.
● Susundan pa na siya mismo ay mas magaling dahil may suwerte rin siyang darating.
● Ang iba naman ay ikukuwento ang masuwerteng buhay ng kakilala nila para lang matabunan ang kuwento mo na maganda ang sitwasyon mo sa kasalukuyan.
Kapag natukoy mo na sila, burahin mo na ang mga ito sa listahan ng iyong tunay na kaibigan. Wala naman silang hahangarin kundi pumangit ang iyong kapalaran.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
コメント