top of page
Search
BULGAR

Kilalanin si ‘Mr. Sipag at tiyaga’ at ang kanyang mga aral sa buhay

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 22, 2023

 

Hayaan ninyong pansamantala akong lumihis sa pagtalakay ng mga napapanahong isyu upang pag-usapan ang isang kilalang patron ng pahayagang ito na malalim na kaibigan ng aming tagapagtaguyod at patnugot, at isang mahalagang bahagi rin ng aking tatlong dekadang paglalayag sa larangan ng komunikasyon. 


Nakilala ko nang personal si Manuel Mamba Villar, o Manny Villar kung kanilang tawagin, noong 2007. Bago ito, naririnig ko lamang ang mga balita tungkol sa kanya na siya ay galing sa hirap, nangarap at nagsikap, nakapagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas, pumasok bilang empleyado, pinasok ang pagnenegosyo at nangutang para magkapuhunan, hanggang sa siya ay nagtagumpay, naging House Speaker at Senate President, at maimpluwensyang tycoon. 


Bilang kanyang manunulat noong siya ay Senate President, unti-unti ko siyang nakilala, lalo na noong isinama niya ako sa iba’t ibang probinsiya sa bansa at kalaunan ay maging sa ibang bansa. Noon ko unti-unting napagtanto kung ano ang taglay niya sa kanyang pagkatao na nagdala sa kanya sa malayo niyang narating sa buhay. 


Una sa lahat, siya ay simple at masayahing tao na kapag lumapit sa kanyang empleyado ay hindi pangingilagan kundi kagigiliwan sa kanyang kaaya-ayang mga pangungusap at sinserong ngiti na may lambing. Bagama’t matayog ang naabot, hindi ko kailanman naramdaman ang anumang kataasan o kapalaluan sa kanya. Ipinadama niya sa isang gaya kong ordinaryong Pilipino na mahalaga ako at iginagalang niya ako bilang isang tao. Gayundin, ipinadama niya na nar’yan siya at ang kanyang pamilya at opisina para sa akin. Ah, kaya hindi siya nililisan o iniiwan ng kanyang mga tagapamuno na ilang dekada na sa kanyang naglilingkod. 


Hindi ko malilimutan ang isang pagkakataon na kami lamang dalawa ang magkausap at sa pagharap ko sa isang bagong tungkulin ay matapat kong sinabi sa kanya, “Sir, sa tingin n’yo po ba ay kaya ko ‘yan?” At walang pagdududa niyang isinagot, “Iha, kayang-kaya mo ‘yan. Madali lang ‘yan”, at ipinaliwanag niya sa akin kung bakit. 


Sa tulad ko, si Manny Villar ay mapagbahagi ng kanyang karunungan at mapagpalakas ng loob, na nagmumula sa taglay niyang balon ng malalim na pang-unawa at malawak na pananaw sa buhay. Mula sa sinangga niyang mga hamon ng kahirapan sa pagkabata pa lamang, humuhugot siya ng pagmamalasakit sa manggagawa niyang malayo pa ang kailangang lakbayin at matutunan. 


Mahalaga sa kanya ang pundasyon ng kalidad na edukasyon, na kailangang bigyang buhay at sigla ng sipag at tiyaga, at lakipan ng akmang pag-uugali sa lahat ng gawain. At siya ang nakita kong ganap na halimbawa nito. Nagmula man siya sa Tondo, hindi siya naging brusko kundi maginoo. 


Si Manny Villar ay mapagbigay at hindi kuyom ang palad. Saksi ako sa kanyang pagbibigay ng libreng pabahay sa ilang mahihirap nating kababayan, sa pagpapauwi, pagpapagamot at pagbibigay ng kabuhayan sa maraming naabuso at naaping overseas Filipino workers. 


Marami rin akong natutunan kay Manny Villar bilang isang komunikador. Gaya ng kinakailangang pag-ulit ng mga mensaheng ipinaparating sa mga tao upang ito ay tumimo. Samantala, bilang isang strategist, mahalaga aniya na mauna sa inobasyon sa halip na laging nakasunod lamang.


Kaya hindi na dapat pagtakhan kung bakit laging nagwawagi sa isang senatorial election ang isang Villar. Kabisado ni Manny ang buong Pilipinas at ‘di tulad ng iba na inilalagak ang kayamanan sa ibang bansa, si Ginoong Villar ay namumuhunan nang husto sa ikauunlad ng sarili niyang bayan at mga kababayan. 


Hindi na rin dapat pagtakhan kung marami pang Villar City ang mabubuo sa gitna ng kanyang walang patid na pagpupunyaging buuin ang pangarap ng mga Pilipino na mabuhay ng marangal at umunlad sa sariling bayan. Pahabol na pagbati ng isang maligayang ika-74 kaarawan, MBV! Mabuhay ka!

 

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page