top of page
Search

Kilalanin ang Ama ng Wikang Pambansa

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 19, 2022


Ngayong araw ng Biyernes, Agosto 19, 2022 ay ginugunita natin ang ika-144 na taong kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon at ngayon ay special non-working holiday sa mga lalawigan ng Aurora, Quezon kabilang na ang Quezon City na itinakda ng Republic Act 6741.


Ibig sabihin ay walang pasok ngayong araw ang lahat ng manggagawa at lahat ng mag-aaral sa nabanggit na mga lugar upang kahit saglit ay maalala natin ang napakaraming mabubuting nagawa sa bansa ng tinaguriang ‘Ama ng Wikang Pambansa’.


Ang naturang batas ay naisakatuparan matapos aprubahan noong Agosto 4,1989 samantalang ang nalalabing bahagi ng bansa ay mananatili namang working holiday.


Si Quezon din ang kauna-unahang pangulo na nagsilbi sa bansa sa panahon ng Commonwealth at pinili niya ang Tagalog na maging national language kumpara sa ibang lengguwahe na umiiral sa bansa, kaya tinagurian siyang ‘Ama ng Wikang Pambansa’.


Kilala ang lalawigan ng Quezon na isinunod mismo sa pangalan ni Manuel L. Quezon at ang lalawigan ng Aurora na isinunod naman sa pangalan ng kanyang asawa na si Aurora Aragon—ngunit balikan natin kung sino ba talaga si Manuel L. Quezon?


Siya ay isinilang sa Baler, Tayabas na ngayon ay Quezon na, noong Agosto 19, 1878 ng kanyang mga magulang na sina Lucio Quezon ng Paco, Manila at Maria Dolores Molina.

Kumuha ito ng kursong abogasya sa University of Sto.Tomas, ngunit iniwan niya saglit ang pag-aaral dahil sa lumahok ito sa independence movement at nakipagbakbakan sa Philippine-American War kung saan ay umabot siya sa ranggong Major bilang isang kawal.


Taong 1900 ay muling nagbalik sa unibersidad si Quezon para tuluyan nang tapusin ang nahinto niyang pag-aaral at dito ay kinakitaan ito ng matinding pagsisikap hanggang sa makapagtapos at taong 1903 ay kumuha ito ng bar examination at mapalad na pumasa.

Naging mahusay itong abogado at kalaunan ay naging fiscal sa kanyang bayang sinilangan kung saan nagkaroon siya ng malaking pagkakataong makapaglingkod sa taumbayan na kalaunan ay humantong na mahalal siya bilang gobernador ng kanilang lalawigan.


Naging epektibo itong gobernador at minahal ng kanyang mga kababayan at ng magkaroon ng eleksyon noong taong 1907 ay tumakbo si Quezon para sa Philippine Assembly sa ilalim ng Nacionalista Party at nanalo ng sobra-sobra ang lamang sa kalaban at naging majority floor leader kalaunan.


Naging makulay ang naging karera sa pulitika ni Quezon at taong 1909 ay nahalal naman siyang Resident Commissioner to Washington, D.C. na labis niyang pinagbuhusan ng husay at talino kung saan siya tumagal ng hanggang taong 1916.


Nagsilbi rin itong isa sa dalawang komisyoner sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados Unidos kung saan siya ay naglobby para sa pagpasa ng mga kinatawan ng Estados Unidos ng Philippine Autonomy Act o Jones Law.


Kasunod nito ay bumalik sa Maynila si Quezon noon ding taong 1916 dahil tumakbo at nahalal na Senador kung saan siya ay naging Senate President sa loob 19 taon hanggang 1935.


Pinamunuan niya ang misyon sa Kongreso ng Estados Unidos noong 1919 na nagpasa ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934. Noong 1922, siya ay naging pinuno ng Partido Nacionalista.


Ang ‘Pambato ng Baler’ ay mas lalo pang namayagpag bilang unang Pangulo ng Commonwealth makaraang mapatunayan nito ang husay sa panunungkulan bilang unang Senate President ng bansa.


Naging matatag si Quezon sa kaniyang layunin na maihatid ang sambayanan mula sa tanikala ng kolonyalismo na lalo pang nagpalakas sa kaniya para mapalaya ang buong bansa.


Ang naturang bisyon ang pinanghawakan ni Quezon para mapatibay ang political stability na mabalangkas ang 1935 Constitution at mabuo ang mga polisiya upang matiyak ang kagalingang panlipunan ng sambayanan.


Ilang ulit ding pinatunayan ni Quezon na siya ay mahusay at matatag na lider ng mga Pilipino at tunay na kaibigan ng mga mahihirap at inaapi nating kababayan na labis niyang minahal at kinalinga.


Isa rin si Quezon sa pinakatanyag na Pinoy na dinakila ng marami nating kababayan na hanggang sa kasalukuyan ay taun-taon nating ginugunita hindi lang ang kanyang kaarawan kung hindi maging ang kanyang mga makasaysayang nagawa.


Ang Ama ng Wikang Pambansa ay ikinasal kay Aurora Aragon at biniyayaan ng apat anak bago tuluyang binawian ng buhay dahil sa sakit na tuberculosis noong Agosto 1, 1944 sa Saranac Lake, New York.


Kaya minsan pa ay bigyan natin ng kahit isang sulyap lang ang alaala ng labis na minahal ng mga Pilipino na si Manuel L. Quezon.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.co

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page