top of page
Search
BULGAR

Kilala sa pagiging makasarili… Ox, natuon lang sa pagkakaperahan

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-4 Araw ng Abril, 2024



Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Ox o Baka. 


Ang Ox o Baka ay silang mga isinilang noong 1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009, 2021, 2033. 


Sinasabi ring bagama’t masipag at masikap sa buhay, ang Baka ay kadalasang nagiging makasarili o nakatuon lamang ang iniisip niya sa kanyang sarili at pamilya. Kaya naman wala silang masyadong pakialam sa iniisip ng ibang tao o kahit na ng kanilang mga kapitbahay. Sa halip, ang mas pinapahalagahan nila ay ang kanilang personal na buhay at kung paano matatapos at mapagkakaperahan ang isang proyektong kasalukuyan nilang ginagawa.


Dahil sa ugaling ito ng Baka, mahirap sila maimpluwensyahan, sapagkat bukod sa pagiging malaya sa pagdedesisyon, may sarili rin silang daigdig o mundo na sila lang ang nakakaalam at ayaw na ayaw nilang sila ay nagugulo o nagagambala sa pribado at tahimik nilang mundo na sila rin ang may gawa.


Kaya naman, inisip ng iba na ang Baka ay mahirap pakisamahan, dahil sa una mong magiging ekspresyon sa kanila ay  para bang may pagka-weird at walang pakialam sa kung anuman ang mangyari sa kanilang kapaligiran. Ngunit, hindi naman ito totoo at sa katunayan, kasundung-kasundo ng Baka ang tulad nilang mapag-isa, palaisip, mahusay magplano, perpeksyonista, may katalinuhan at may pagkatusong Snakes at Rooster.


Sinasabi ring dahil sa pagiging praktikal at materyoso, kung minsan handang isakripisyo ng Baka ang kanilang kaligayahan, gayundin ang kanilang personal na pangangailangan, kapalit ng mga kapaki-pakinabang na pangmateryal at salapi.


Halimbawa, may dyowa ang isang Baka, sa katunayan hindi nila ito ginagawang first priority dahil ang mas pinagtutuunan nila ng pansin ay ang kanilang career at trabaho.


Hindi natin sila masisisi, sapagkat ang tunay na ikaliligaya nila sa mundo ay ang

makitang dumarami nang dumarami ang kanilang ipon.  Oo naman, natutuwa ang isang Baka sa tuwing nakikita nila ang naiipon nilang salapi sa bawat araw na lumilipas.


Sa ganitong tanaw, mas nagiging maligaya, hindi lamang ang panlabas na katauhan ng isang Baka kundi pati na rin ang kaibuturan ng kanilang puso at kaluluwa.


Kaya naman kung gusto mong yumaman o maging successful, piliin mong makasama o makaisang-dibdib ang isang Baka. Nangyaring ganu’n dahil tulad ng nasabi na, sa 12 animal sign na pinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, ang Baka ay isa sa pinamateryoso at mapagmahal sa salapi, masinop sa kabuhayan at talaga namang yumayaman.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


 

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page