top of page
Search

Kidnapper ng estudyante, patawan ng mabigat na parusa

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Feb. 26, 2025



Boses by Ryan Sison

Sunud-sunod ang mga naiuulat na masamang kaganapan sa mga kabataan na nagdudulot sa kanila ng matinding trauma, kung saan ang pinakabago ay ang nailigtas na estudyante sa isang international school sa Taguig City na kinidnap. 


Ayon kay Ka Ken Chua ng Movement for Restoration of Peace and Order, ang biktima ay na-rescue nitong Martes ng gabi at nakabalik na sa kanyang pamilya. Aniya, ang biktima ay dumaranas umano ng trauma dahil sa kidnapping incident.


Sinabi naman ng Philippine National Police na ang 14-anyos na Chinese national ay natagpuang inabandona sa kahabaan ng Macapagal Avenue sa Parañaque City. Habang ligtas na na-recover ang menor-de-edad at agad na nakasama ang kanyang ama.


Dinala ang bata sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City para sa medical examination upang matiyak na maayos ang kanyang kalagayan, anang PNP. Gayundin anila, walang ransom na binayaran.


Pinangunahan ng PNP Anti-Kidnapping Group, sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines at National Capital Region Police Office (NCRPO), ang rescue operation.


Nagsasagawa na rin ng karagdagang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga salarin.


Hindi biro ang trauma na naranasan ng naging biktima ng karahasan o krimen, mas higit ang na-kidnap lalo kung bata, kahit pa sabihing nasagip at nakauwi na sa kanyang pamilya.


Kailangan ng lubos na atensyon sa physical at mental health nito at ang pag-aalaga ng mga doktor at eksperto dahil mahirap na makalimutan ang mga nangyaring ito sa kanya. Posible pang gumugol ng mahabang panahon bago ito tuluyang maka-recover.


Sa kinauukulan, sana ay agad na malutas ang naturang krimen at papanagutin ang mga kidnapper. Gayundin, dapat na mas paigtingin ang pagtugis sa mga kriminal at

masasamang-loob habang patawan ang mga ito ng mabigat na parusa na naaayon din naman sa ating batas.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page