ni Lolet Abania | July 1, 2021
Plano ng mga mayor ng National Capital Region (NCR) na i-review at pag-isahin na lamang ang magiging parusa sa sinumang may kaugnayan sa maling pagtatapon ng basura na nagpapabara sa mga kanal, estero at iba pang waterways.
Sa Laging Handa public briefing ngayong Huwebes, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos na napag-isa na ng mga mayors ang iba’t ibang ordinances hinggil sa tamang pagtatapon ng basura sa nasabing rehiyon, subalit wala pang nabuong parusa para rito.
“Ngayon po ay na-harmonize namin ang kani-kanyang ordinansa… Dapat ma-review ang parusa rito sa pagtatapon. Likewise, i-harmonize,” ani Abalos.
Ayon kay Abalos, kailangang sumailalim sa community service ang mga lalabag at kinokonsidera na itong parusa sa halip na pagmultahin dahil sa pandemya na labis na nakaapekto sa maraming Pilipino sa pinansiyal na aspeto.
Nitong Lunes, nag-install ang MMDA ng isang trash trap sa isa sa mga tributaries ng Estero de Tripa de Gallina malapit sa Tramo Bridge sa Pasay City.
Paliwanag ng MMDA, ang trash trap ay makatutulong para hindi ma-damage ang mga pumping stations dulot ng mga basura na napupunta rito.
Sinabi ni Abalos na umabot sa dalawang truckloads ng basura ang nakolekta sa lugar nang araw na iyon.
Comentários