top of page
Search
BULGAR

Kesa ituloy ang love team nila ni Anthony… MARIS, MAS SISIKAT KUNG ITATAPAT KAY ANDREA

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 18, 2024



Photo: Maris Racal at Andrea Brillantes - IG


Magkakaiba ang reaksiyon at opinyon ng mga netizens sa tambalang Maris Racal at Anthony Jennings. May nagsasabi na may dating sa publiko ang kanilang love team, kaya dapat ay ‘wag buwagin. 


Pero marami rin ang nagsasabing mas makakabuti kay Maris kung maging solo artist na lang siya, mas malawak ang oportunidad niya kung walang ka-love team. 


Ang magandang ideya ay kung pagtatapatin sina Maris at Andrea Brillantes na mala-Nora Aunor at Vilma Santos ang peg. Parehong palaban at strong ang personalidad nila, pareho rin silang may mga isyu at kontrobersiya na kinasangkutan. 


May kani-kanyang katangian sina Maris at Andrea na nagustuhan ng kanilang mga fans at supporters. Mas iinit ang kanilang career kung may magaganap na kompetisyon. 


Mas makakabuti sa kanilang career kung sila ang pagtatapatin. Hayaan na lang si Anthony Jennings na maging solo artist.


 

Bago pa pumasok sa political arena, nag-artista muna si Mark Lapid. Nakalabas siya sa ilang pelikula at nakatambal ang ilang sikat na aktres. 


Hindi lang dumepende si Mark Lapid sa kanyang ama na si Sen. Lito Lapid upang magkaroon ng sariling project, nagsumikap siya on his own merit. 


Well, ang kanyang amang si Lito ay may kissing scenes sa mga nakaparehang aktres. Puwede rin kayang gawin ito ni Mark? 


Pero, nagpakatotoo at umamin siyang hindi na puwede na may kissing scene sa kanyang leading lady. Selosa kaya ang kanyang wifey na dating aktres na si Tanya Garcia? 


Anyway, si Mark Lapid ang COO (Chief Operating Officer) ngayon sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at dati rin siyang nakapuwesto sa Department of Tourism (DOT). May mga nagsasabi naman na posibleng sumabak siyang muli sa pulitika pagkatapos ng termino ng kanyang ama bilang senador. 


Ngayon, kasalukuyang bumibida ang mag-ama sa serye ni Coco Martin na FPJ’s Batang Quiapo (BQ).


 


Ang ganda-ganda ngayon ng FPJ Studios sa Del Monte Ave. sa Quezon City. Ito ngayon ang nagsisilbing museum ni Fernando Poe, Jr. (FPJ) at dito na inilagak ang lahat ng memorabilia ni Da King na maayos na naka-display. 


Halos lahat ng posters ng nagawang pelikula ni FPJ ay narito, ganoon din ang mga trophies niya nang manalong Best Actor mula sa iba’t ibang award-giving bodies. 


Dito rin naka-display ang lumang BMW big bike na gamit ni Da King. May sarili ring theater sa loob ng FPJ Studios na bagung-bago.


Well, dito na ginagawa ang restoration ng mga lumang pelikula ni FPJ. Tumatanggap din ang FPJ Studios ng restoration ng pelikula mula sa ibang movie outfits. 


Ang pamangkin ng yumaong Movie Queen na si Susan Roces na si Jeffrey Sonora ang namamahala at nag-aalaga sa FPJ Studios ngayon. 


Bagama’t hindi pa open sa publiko ang FPJ Studios para sa tour dahil marami pang dapat ayusin, posibleng ipakikita rin nila ito sa lahat, lalo na sa mga diehard fans ni FPJ. 


May gagawin din na isang libro tungkol sa buhay ni FPJ na isusulat ni Eric Ramos. Target release ng libro ay sa kaarawan ni Da King next year, August 2025.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page